Balita

Mamamayan sa Kalinga, muling nanindigan laban sa mina

,

Isang unity statement (pinag-isang pahayag) laban sa napipintong pagmimina ng Makilala Mining Company Incorporated (MMCI) ang pinirmahan ng mahigit 100 mamamayan sa isang porum sa Tabuk City noong Abril 12. Inilahad nila ang kanilang matinding pagkabahala sa bantang dala ng MMCI sa mga ilog ng Pasil at Chico na dumadaloy sa kanilang prubinsya.

Sasaklawin ng MMCI ang tatlong lugar sa Pasil, Kalinga–ang Maalinao, Caigutan, at Biyog—sa loob ng ninuno ng Tribu Balatoc at mga bahagi ng Guinaang. Kamakailan, ang MMCI ay binigyan ng rehimeng Marcos ng pondo mula sa Maharlika Fund para ituloy ang mapaminsalang mga proyekto nito.

Noong 2023, ginawaran ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at nakatanggap ng Certification Precondition (CP) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang MMCI. Ang kasunduan ito ay pormal na isinagawa sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng MMCI at mga maka-mina na mga myembro ng Balatoc Indigenous Cultural Community (BICC). Sa ulat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), pipinsalain ng mina ang humigit-kumulang 4,700 puno sa itinalagang lugar ng pagmimina sa unang kwarter ng 2025. Ito ay nagbigay-diin sa mga karanasan ng mga residente ng Kalinga noong panahon ng operasyon ng Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong dekada 1980, na nagdulot ng matinding polusyon sa mga ilog Pasil at Chico dahil sa paglabas ng mga tailings ng pagmimina.

Ayon sa pahayag na pinirmahan ng Concerned People Against Large-Scale Mining, sariwa pa sa alaala ng mga taga-Kalinga ang kanilang pagdurusa sa pinsala na idinulot ng mga operasyon ng Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong dekada 1980. Nagdulot ito ng matinding siltasyon ng mga ilog Pasil at Chico dahil sa pagtatambak ng minahan ng tailings (basura sa pagmimina), na nagresulta sa pagkamatay ng Ilog Pasil sa panahong iyon at kontaminasyon ng Ilog Chico.

“Ang kontaminasyon ng Ilog Chico ay nagkaroon ng malubhang epekto sa mga lokal na magsasaka, lalo na sa mga umaasa sa Upper Chico River Irrigation System (UCRIS), na nagdadala ng tubig sa mahigit 15,000 ektaryang sakahan sa Tabuk at Pinukpuk sa Kalinga, pati na rin sa Mallig-Quezon sa Isabela,” ayon sa nababahalang mamamayan. “Sa panahon na iyon, dumanas ang prubinsya ng krisis sa produksyon ng bigas na dulot ng pagkasira ng mga sakahan dahil sa siltasyon ilog at tubig na may lason mula sa operasyon ng BBGMI.

“Napakalaki ng nalugi sa mga magsasaka at mangingisda, na nawalan ng mapagkukunan ng kabuhayan,” ayon sa pinag-isang pahayag.

Lampas sa agrikultura ang naging epekto ng pagmimina sa ekolohiya ng Kalinga. Nagdudulot ng pagkawala ng iba’t ibang uri ng isda at iba pang organismo na mahalaga sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda at magsasaka.

Para labanan ang pinsala ng kumpanya, nagkaisa noon ang mga apektadong residente, kabilang ang mga magsasaka, propesyunal, taong simbahan, at mga estudyante, sa isang malaking protesta, kung saan mahigit 5,000 ang lumahok sa pagmartsa laban sa mga operasyon ng pagmimina. Dahil sa kanilang paglaban, napatigil nila ang operasyon ng BBGMI.

“Ngayon, isa namang kumpanya sa mina ang dumating para huthutin ang ating yaman at wasakin ang ating kapaligiran at kabuhayan, magdudulot ng siltasyon sa ating mga ilog, sisirain ang ating mga gubat at gagambalain ang kapayapaan ng ating komunidad,” pahayag ng mga taga-Pasil. “Hindi tayo papayag na wasakin ng pbgmimina ang ating lupa at aagawin ang yaman nito ng mga sakim na kumpanya.”

Panawagan nila, magkaisa ang Kalinga! Labanan ang malakihan at mapaminsalang pagmimina. Ikansela ang MPSA ng MMCI!

AB: Mamamayan sa Kalinga, muling nanindigan laban sa mina