Balita

Mamamayang Aeta ng Mt. Pinatubo, nagbarikada

,

Nagtayo ng barikada mula pa noong Abril 18 ang komunidad ng Aeta ng Mt. Pinatubo Sityo Tarukgan, Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac upang igiit ang karapatan sa kanilang lupa. Anila, ilang taon nang hindi sila nababayaran nang tama ng ahensya ng estado sa turismo at wala ring ginagawa ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para tulungan sila. Sa ma­habang panahon, kumikita nang malaki ang mga opereytor sa naitayong negosyo ng turismo sa lupang ninuno ng mga Aeta, habang napakaliit o halos walang natatanggap na kapalit ang mismong nagtatanggol sa lupa.

Nakiisa ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa laban ng mga komunidad ng Aeta. Anito, “karapatan nila na labanan ang kawalang hustisya, protektahan ang kanilang lupaing ninuno mula sa pandarambong at iwasto kung paano itinuturing ang kanilang kultura at lupa”. Habang ginagamit ang ang mga Aeta bilang palamuti sa turismo, sistematiko silang inaalisan ng karapatan sa pagpapasya sa negosyo ng turismo at sa hatian sa kita.

Patuloy na pinapatakbo ang turismo sa Bundok Pinatubo nang walang tunay na malaya, nauna at malinaw na pag payag (Free, Prior and Informed Consent); hindi sensitibo sa kultura at walang angkop na kumpensasyon at benepisyo para sa mga komunidad ng Aeta. Pinapakita nito ang kainutilan at pagtatraydor ng NCIP, na sa kabila ng mga hinaing ng mga apektadong komunidad, ay nananatiling kimi at tahimik, at walang ginagawa.

Nananawagan ang Katribu sa mga turista at malawak na mamamayan na irespeto ang barikada at huwag tangkilikin ang mga negosyante na nakikinabang sa pagsasamantala sa mga katutubo. Tumindig kasama ang mga Aeta at makinig sa boses ng mga komunidad na matagal nang nangangasiwa sa mga lupain bago pa man dumating ang turismo sa lugar.

AB: Mamamayang Aeta ng Mt. Pinatubo, nagbarikada