Balita

Mapanupil na memorandum ng CSC, hinamon ng Bayan Muna sa Korte Suprema

,

Nagsampa ng petisyon ang Bayan Muna Party-list sa Korte Suprema noong Abril 25 para hamunin ang ligalidad at pagiging konstitusyunal ng inilabas na Memorandum Circular No. 3, Series of 2025 ng Civil Service Commission noong Marso. Ayon sa petisyon ng partido, labag ang atas sa nakasaad sa konstitusyon na karapatan ng mga kawani ng gubyerno, partikular ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag, paglahok sa pampulitikang talakayan at karapatan bilang manggagawa.

Ipinagbawal ng naturang memorandum ang pakikisangkot ng mga kawani sa pampulitikang usapin sa social media para panatilhin diumano ang kanilang “nyutralidad” at umiwas sa partisanong aktibidad laluna sa panahon ng eleksyon. Pinagbawalan sila nitong mag-like, mag-share at magkomento sa mga pampulitikang usapin sa social media.

Ayon sa unang nominado ng Bayan Muna na si Atty. Neri Colmenares, delikadong hakbang ang memorandum na banta sa demokratikong espasyo. “Ito ay labis na paglabag sa karapatan ng mga kawani ng gubyerno na magpahayag ng kanilang saloobin,” pagdidiin ni Colmenares.

Higit pa rito, sinabi ng abugado na ang batas (Section 29 ng RA 2260) ay nagsasabing maaaring ipahayag ng mga kawani ang kanilang opinyon tungkol sa mga isyung pampulitika, basta’t hindi sila nakikibahagi sa partisanong pampulitika.

Noong Abril 14, nagrali ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa upisina ng CSC sa Barangay Batasan Hills, Quezon City para ipabasura ang atas.

Ang pagbabawal sa mga kawani ng gubyerno na ipahayag ang kanilang saloobin sa social media—lalo na kung ito ay may kinalaman sa mga patakaran at pulitiko na nakakaapekto sa kanilang karapatan, ayon naman kay Ferdinand Gaite, ikatlong nominado ng Bayan Muna at tagapayo ng Courage.

Ayon kay Colmenares, hindi papayag ang Bayan Muna na busalan ang bibig ng mga manggagawa ng gubyerno. “Lalabanan natin ito sa mga korte at sa lansangan,” pagtatapos ni Colmenares.

AB: Mapanupil na memorandum ng CSC, hinamon ng Bayan Muna sa Korte Suprema