Masang anakpawis, umalma sa walang awat na pagtaas ng presyo ng bigas at langis

Nagprotesta kahapon, Setyembre 12, ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno laban sa nagtataasang presyo ng mga bilihin, laluna ng bigas. Binatikos nila ang kautusan ng estado para kontrolin ang presyo na anila’y pakitang-tao, at hindi tumutugon sa tunay na mga dahilan kung bakit sumisirit ang presyo ng bigas. Panawagan nila, itaas ang sahod ng mga manggagawa para makaagapay sila sa walang awat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kahapon din ay itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng diesel nang ₱0.40 kada litro, at gasolina at kerosin nang ₱0.20 kada litro. Ito na ang ikasampung linggo na itinaas ang presyo ng mga produktong langis mula Hulyo 11. Hanggang Setyembre 8, itinaas ng mga kumpanya ang presyo ng mga produktong ito kada Martes. Sa loob lamang ng panahong ito, tumaas ang diesel nang ₱14.80 kada litro, at ang gasolina nang ₱10 kada litro. Samantala, tumaas din nang hanggang ₱6.65 kada kilo ang LPG o ₱73.15 kada 11-kilong tangke ngayong Setyembre. Dagdag ito sa una nang itinaas na ₱50.05 kada tangke noong Agosto.

Lubos itong ikinadismaya ng mga manggagawa, at iba pang mga sektor, lalupa’t kakarampot, kung meron mang pagtaas sa kanilang mga sahod. Kinundena nila ang kawalang-aksyon ng estado para ibaba ang mga presyo at ang kulang na kulang nitong ayuda para sa masang anakpawis.

Ayon sa grupong Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide,) hindi sapat ang inilaan ng Department of Budget Management na ₱3 bilyong fuel subsidy para punan ang pagkalugi ng nasa 1.3 milyong mga drayber ng dyip at ibang pampublikong transportasyon. Ayon sa grupo, malayong di makasasapat ang “isang-bigayang” ayuda na ito,

Liban dito, magkaiba ang iniaalok na subsidyo sa mga tradisyunal na dyip sa tinaguriang mga “modernong bus.”

“Hindi rin sapat ang ₱6,500 na ayuda sa mga traditional PUJ at UVE. Kung pwede palang magbigay ng ₱10,000 sa mga modernized, bakit hindi na lang pagpantay-pantayin at gawing ₱10,000 na lang lahat?” tanong Mody Floranda, tagapangulo ng Piston.

Noong nakaraang linggo, binatikos rin ng grupo ng mangingisda ang walang awat na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon sa Pamalakaya, nangahulugan ito ng dagdag gastos na ₱173 kada palaot. Ibig sabihin, kailangan ng isang mangigingisda na gumastos ng abereyds na ₱833 kada palaot, 26% mas malaki kaysa dating ₱660 kada palaot bago ang sunud-sunod na pagtaas na presyo ng langis.

Dahil dito, hindi lamang mas maiksi ang kanilang paglaot, mas madalas ding hindi na muna sila pumapalaot dahil sa laki ng kailangang kapital. Halos doble ang kailangan nilang gastusin kumpara sa abereyds na ₱300-₱500 kita nila kada palaot. Nasa 80% ng gastos sa pangingisda ay napupunta sa petrolyong ginagamit.

“Mula sa dating 6-8 oras na pagpalaot, ngayon nasa 4-5 oras na lamang dahil mabilis maubos ang gasolina,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. “Mas madalang na rin ang mga araw ng (aming) pagpalaot. Mula sa 5-6 araw, nakakapagpalaot na lamang kami nang 3-4 araw. Wala pa diyan ang iba pang gastos tulad ng maintenance ng mga bangka, gamit sa pangisda at pagkain.”

AB: Masang anakpawis, umalma sa walang awat na pagtaas ng presyo ng bigas at langis