Matandang magsasaka, isa pa, di makatarungang inaresto ng PNP sa Negros Occidental

,

Inaresto ng mga pulis at sundalo ang mga magsasakang sina Judy Blazer, 61, at Junjie Camanso, 30, sa Sityo Mainit, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental noong Setyembre 10. Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay at pinaratangang may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ang totoo, si Blazer ay dating kasapi ng panatikong paramilitar na grupong Greenan sa kanilang komunidad simula pa noong dekada 1990. Ang kanilang grupo ay sinuportahan at pinondohan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para manguna sa mga anti-mamamayang aktibidad at paga-atake sa mga sibilyang komunidad na inaakusahang may kaugnayan sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Sinaklaw ng operasyon ng grupong ito ang mga bayan ng Binalbagan at Isabela sa Negros Ocidental, at Jimalalud at La Libertad sa Negros Oriental.

Pinag-initan ng AFP si Blazer matapos siyang kumalas sa Greenan dahil sa hindi na niya maatim ang anti-mamamayang mga aktibidad ng grupo. Nahikayat din ni Blazer ang iba pang mga kasapi ng paramilitar na kumalas sa grupo kung kaya’t naging target siya ng panggigipit ng mga pwersa ng estado.

Labis ang galit ng mga kaanak at mga kabaryo sa ginawang pag-aresto kay Blazer. Anila, halos hindi na makakita at makapaglakad ang 61-anyos na matanda. Malinaw na desperasyon ang malisyosong pag-ugnay sa kanya sa hukbong bayan.

Ang pagg-aresto ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng 62nd IB, 2nd PNP-SAF, 300th Air Intelligence Wing, Philippine Air Force at Regional Intelligence Unit 6 sa ilalim ng Joint Enhanced Military and Police Operation (JEMPO).

Sa tala ng Ang Bayan, higit 35 na ang biktima ng mga pag-aresto at detensyon sa Negros Occidental sa ilalim ng rehimeng Marcos.

AB: Matandang magsasaka, isa pa, di makatarungang inaresto ng PNP sa Negros Occidental