Matinding operasyong kombat ng AFP sa Quezon, nagresulta sa mis-engkwentro
Nagkasagupaan ang dalawang yunit ng 202nd IBde sa Barangay Llavac, Real, Quezon noong Disyembre 2 dahil sa napakalaking pwersang ipinakat nito para sa focused military operation sa naturang bayan. Demoralisado ang mga sundalo ng 202nd IBde dahil pagod na nga sa walang tigil na pagsugsog sa kagubatan at kabundukan, ay nakasagupa pa nila ang mga kapwa sundalo.
Sa kahihiyan, pekeng pinalabas ng militar na isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon ang kanilang nakalaban. Kinumpirma na rin ng ulat ng hukbong bayan na wala silang yunit na nakasagupa ng mga sundalo sa araw na iyon.
“Patuloy na panlilinlang ang ginagawa ng yunit ng 202nd IBde sa bayan ng Real upang bigyang katwiran ang kanilang kabuktutan ng walang tigil na operasyon sa Real,” pahayag ni Ka Eliza Dela Guerra, tagapagsalita ng BHB-North Quezon. Dagdag pa niya, hindi na bago sa mga taga-Quezoon ang pagpapakalat ng kasinungalingan ng 202nd IBde dahil ginawa na nila ito noong 2023.
Liban dito, tuluy-tuloy ang panlilinlang ng mga sundalo sa mga residente ng barangay Lagpan at Poblacion Uno at pagpapakalat ng kwento na mayroong mga Pulang mandirigma na nakita malapit sa kanilang kampo. Nag-eskandalo pa sila nang ipinabuhay ang mga CCTV sa lugar upang diumano’y makuha kung saan nagpunta ang sinasabing mga kasapi ng hukbo.
Sa halos isang buwan nang operasyon sa Real, Quezon at mga karatig nitong bayan, ligalig at takot ang idinulot ng 202nd IBde nito mamamayan. Naitala sa panahong ito ang mga kaso paglabag sa karapatang-tao tulad ng iligal na panghahalughog, harasment, pagbabanta, red-tagging at iba pa. Ang sigaw ng taumbaryo: Layas militar!
Panawagan ni Ka Eliza, dapat patuloy na ilantad ang nagaganap na militarisasyon at kaugnay na kasinungalingang nilulubid ng AFP. “Higit pa rito, dapat ilantad at tutulan ng mamamayan ng Real ang pananatili ng mga militar sa kanilang lugar na nagbibigay-daan para sa mga paglabag sa karapatang-tao,” ayon pa sa tagapagsalita.