Mga Antiqueño, nagbuklod laban sa pakanang ibukas ang prubinsya sa pagmimina
Daan-daang Antiqueño ang nagtipon noong Pebrero 11 para ilunsad ang AMLIG Antique Alliance laban sa nakatakdang pagmimina sa prubinsya. Nagbuklod sila matapos maiulat na ibubukas ng Department of Environment and Natural Resources sa mga kumpanya ng mina ang 3,715 ektaryang lupain sa saklaw ng 16 barangay sa bulubunduking bahagi ng mga bayan ng Patnongon, San Remigio, Valderamma at Sibalom, lahat sa Antique.
Ang pagbubuo ng alyansa ay tulak ng pagdedeklara ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR sa nabanggit na mga lugar bilang “mining reservation.” Ayon sa alyansa, bagamat hindi pa ito pagpapahintulot ng operasyon ng pagmimina, ibinubukas nito ang prubinsya sa pagmimina sa hinaharap. Hindi kumbinsido ang mga Antiqueño sa ibinandila ng MGB na kunwa’y mga “bentahe” ng pagmimina na gagawin diumano sa “sustenableng paraan.”

Anila, anumang klase ng pagmimina ay pipinsala sa mga kritikal na rekurso ng prubinsya, kabilang ang mga watershed area, at sa biodiversity ng kabundukan. Ipinangangamba nilang wawasakin ng mina ang balanse ng ekolohiya sa Central Panay Mountain Range kung saan matatagpuan ang Sibalom Natural Park, isang protektadong lugar. Matatagpuan dito ang maraming klase ng hayop at halaman na endemic sa isla ng Panay. Pinagkukunan din ito ng malinis na tubig at pagkain ng maraming residente ng prubinsya.
Ang malala, ang tinukoy na mineral reservation ay mga “high risk zone” o nagtataglay ng katangian na bulnerable sa pagguho ng lupa at pagbaha. Alinsunod ito mismo sa mga pag-aaral ng MGB. Ayon sa alyansa, napatunayan na ang bulnerabilidad na ito nang humambalos ang malalakas na bagyo noong 2022 at 2008, na nagdulot ng malawakang pinsala sa prubinsya. Anila, palalalain ng pagpapatag at pagsira na natural na hugis ng lupa ang soil erosion, pahihinain ang mga dalisdis at wawasak sa natural na mga sistema ng paglimas ng tubig. Lahat ng lugar sa Antique ay bulnerable sa pagguho ng lupa at biglaang mga pagbaha dahil malapit ito sa dagat, anila.

Binatikos din ng alyansa ang kunwa’y mga pampublikong pagdinig na isinagawa ng MGB. Anila, kampanya ng pagpapasang-ayon kung saan ibinida ng ahensya ang kunwa’y mga benepisyo ng pagmimina, imbes na bukas na dayalogo sa apektadong mga komunidad. Nangangamba silang matulad sa ibang mga prubinsya kung saan isinagasa ang pagmimina sa pamamagitan ng masinsing militarisasyon ng mga komunidad. Batid nila ang brutalidad ng mga kumpanya ng pagmimina, katuwang ang reaksyunaryong armadong pwersa ng estado, sa mga lugar kung saan matatag na naninindigan ang mga residente laban dito.
Panawagan nila, kagyat na bawiin ng DENR ang deklarasyong gawing mineral reservation ang mga protektadong lugar ng Antique at ipagtanggol ang mga kalikasan at kanilang mga komunidad.