Balita

Mga Bikolano, nagrehistro ng pagtutol sa presensya ng tropang Amerikano sa Legazpi City

,

Nagprotesta ang mga progresibong organisasyon sa Bicol noong Agosto 14 sa Legazpi City para batikusin ang presensyang militar ng imperyalismong US sa syudad. Inilunsad nila ang pagkilos sa huling araw ng “humanitarian mission” ng US sa ilalim ng Pacific Partnership 2024-2 na nagsimula noong Agosto 1.

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Bicol, nagpiket ang mga myembro at alyadong organisasyon nito sa harap ng Marison Hotel sa Barangay 38-Cogon kung saan tumuloy ang ilan sa mga Amerikanong sundalo. Kasunod ito ng isang misa sa Albay Cathedral at karaban patungo sa Our Mother of Perpetual Help Redemptorist Church, malapit sa naturang hotel.

Ayon kay Bayan-Bicol Chairperson Jen Nagrampa, isinagawa nila ang protesta para irehistro ang pagtutol ng mga makabayang Bicolano sa mga aktibidad militar ng US sa rehiyon at maging sa buong bansa. “Sa pangunguna ng US Indo-Pacific Command, ang humanitarian mission nito ay smokescreen sa operasyong kombat,” ayon pa sa grupo.

Ang Pacific Partnership 2024-2 ay ang ika-20 beses mula nang sinimulan ang taunang aktibidad. Nagtatago ito sa likod ng katawagang pinakamalaking multinasyunal na “humanitarian assistance and disaster relief preparedness” sa Indo-Pacific. Ginagamit nito ang programa para palakasin ang panrehiyong kumand sa mga saklaw na bansa sa Indo-Pacific.

“Ang humanitarian mission sa porma ng disaster response ay “greenwashing” [at] mapagpasyang paglihis sa tunay na dahilan ng disaster at kung sino ang may papanagutan,” ayon pa sa Bayan-Bicol. Pinatutungkulan nila ang industriyang militar ng US at imperyalistang pandarmbong nito sa maraming mga malakolonya at atrasadong bayan na nagdudulot ng pagkawasak sa kalikasan.

Liban dito, idiniin ng Bayan-Bicol na ginagamit din ng US ang aktibidad para hilahin ang Pilipinas sa alimpuyo ng imperyalistang gera ng US at katunggali nitong China. “Patitindihin lamang nito ang direktang interbensyong militar ng US. Pinahintulutan ni Marcos Jr ang pagpasok at pakikialam ng dayuhang mga tropa kahit pa lubha itong paglabag sa Konstitusyon,” dagdag pa ni Nagrampa.

Binatikos rin ng Bayan-Bicol ang pagpaparali ng 93rd Civil-Military Operations Company at 9th Civil-Military Operations Battalion sa mga matatanda at mga sibilyan para tapatan ang protesta ng mga makabayang anti-US.

Normalisasyon ng presensya ng mga Kano

Sa kasagsagan ng Pacific Partnership 2024-2, kabi-kabilang aktibidad ang isinagawa ng mga tropa ng US sa Legazpi City para sa normalisasyon ng kanilang presensya sa Pilipinas. Lumahok sila sa mga “humanitarian” na mga aktibidad, konsyerto at iba pang palabas at pagpapabango. Napagtitibay pa ito ng pagsipsip at palabas na mainit na pagtanggap ng lokal na mga ahensya at gubyerno.

Dumaong noong Hulyo 30 sa Legazpi City ang barkong nabal ng US, ang City of Bismarck, na lulan ang 500 sundalong Amerikano, Japanese at South Korean para sa naturang aktibidad. Samantala, upisyal na binuksan ang Pacific Partnership 2024-2 noong Agosto 2 sa Legazpi City Expo Center.

Noon namang Agosto 7, nagpakulo ng isang konsyerto ang mga Amerikanong sundalo sa Ayala Malls sa Legazpi City. Isa lamang ito sa mga konsyertong isinagawa ng mga sundalo sa Legazpi. Nakimartsa rin sila sa inilunsad na parada ng Ibalong Festival sa syudad noong Agosto 9. Bago nito, lumahok sa palabas na pagtatanim ng mga puno sa paanan ng Bulkang Mayon noong Agosto 7 at konstruksyon ng paaralan sa Legazpi Port Elementary School noong Agosto 6.

AB: Mga Bikolano, nagrehistro ng pagtutol sa presensya ng tropang Amerikano sa Legazpi City