Mga drayber, nagprotesta laban sa NCAP, PTMP at iba pang usaping transportasyon
Naglunsad ng protest caravan kahapon, Hunyo 2, ang mga drayber at opereytor, kasama ang mga komyuter at grupo ng maralita para ipanawagan ang pagbabasura sa NCAP o No Contact Apprehension Policy ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Mula sa University Avenue sa UP-Diliman, binagtas ng caravan ang mayor na mga daan sa Metro Manila at muling nagtipon sa harap ng upisina ng MMDA sa EDSA-Ortigas. Lumahok sa protesta ang Piston, Defend Jobs Philippines, Taguig TODA, mga drayber ng MoveIt na apektado ng malawakang tanggalan at Kadamay sa ilalim ng Stop NCAP Coalition.
Ayon sa koalisyon, ang NCAP ay iligal, kontra-mahirap, at hindi dumaan sa tamang proseso.
“Resulta ng patarakang ito ang dumaraming reklamo mula sa publiko dulot ng matataas at sobra-sobrang mga multa na mas madalas na dinaranas ng mga drayber ng transport network vehicle (TVNS) o yaong mga tagadeliber, mga paupahang motorsiklo, traysikel at ordinaryong mamamayan,” ayon sa grupo.
Una nang kinwestyon ng mga eksperto sa batas at grupo sa karapatang-tao ang patakaran, laluna kaugnay sa batayang pang-konstitusyon at mga proseso nito. Depektibo ang patakaran dahil anila, hindi ito nagbibigay ng prior notice (paunang abiso), walang itong mekanismo sa mga gustong umapela, at labag ito sa karapatan sa pribasiya dahil ipinatutupad ito sa pamamagitan ng sarbeylans.
Bago nito, naglunsad ang mga grupo ng isang press conference noong Mayo 20 kung saan muli nilang ipinanawagan ang pagbasura sa jeepney phaseout o huwad na programa sa modernisasyon ng transportasyon. Panawagan nila ang paglalatag ng makamasang sistema ng transportasyon na maka-mahirap at makabansa.
Ayon sa Piston, maraming mga drayber ng dyip ay mistulang nakatigil-pasada mula nang pwersahang ipatupad ang huwad na modernisasyon. Binatikos nila ang kasalukuyang pinuno ng Department of Transportation na si Vince Dizon na hindi alintana ang hirap na dinaranas ng mga drayber na pinagkaitan ng estado ng prangkisa.
Pahayag ng Defend Jobs Philippines, hindi magkahiwalay na usapin ang lumalalim na krisis ng transportasyon at malalang kalagayan ng mga manggagawa dahil nakaugat ito sa sistema sa ekonomya na mapagsamantala at pinaghaharian ng dayuhan. Apektado ang mga manggagawa ng mahabang oras na ginugugol nila sa daan dahil sa trapik, mataas na pamasahe, at maliit na kita na nakasasama sa kanilang buhay at dignidad.
Sa pananaliksik ng grupo, pito sa bawat 10 manggagawa sa Metro Manila ay gumugugol ng mahigit isang oras sa pagbyahe. Sinasabing umaabot sa ₱3.5 bilyon kada araw ang halagang nawawwala sa produktibidad, at inaasahang tataas pa ito tungong ₱4.5 bilyon kada araw sa susunod na mga taon.
Kinwestyon din ng mga drayber, partikular ng mga nagmomotor, ang implementasyon ng patakaran nang walang maayos ang imprastruktura sa mga kalsada. Anila, malalabo ang mga signages tulad ng mga traffic signs na nakalilito lamang sa mga drayber.
Balak ng mga grupo na tuluy-tuloy na labanan ang NCAP, gayundin ang iba pang patakarang nagpapahirap sa mga drayber at komyuter. Inilatag nila ang kanilang mga plano para sa susunod na mga araw, na lulundo sa isang pambansang koordinadong pagkilos sa Hunyo 5.