Balita

Mga kabataan at estudyante, nagprotesta kontra taas-pasahe sa LRT-1

,

Sinalubong ng protesta ng mga kabataan at estudyante ang unang byahe ng LRT-1 Doroteo Jose Station sa Sta. Cruz, Manila noong umaga ng Enero 15. Tinutulan nila ang planong ₱15 maksimum na taas-pasahe na itinutulak ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang kumpanyang nagpapatakbo sa serbisyong LRT sa Metro Manila.

Sa panukala ng LRMC, tataas nang ₱8.65 ang pamasahe para sa maiiksing byahe, ₱6.02 para sa katamtamang byahe at ₱12.50 para sa malayuang byahe. Sa gayon, tataas mula ₱45 tungong ₱60 ang maksimum na pamasahe sa LRT.

Kabilang sa mga grupo ng kabataan na lumahok sa protesta ang Anakbayan. Anang grupo, hindi lamang ito simpleng dagdag singil sa mga mamamayan kundi siyang bunga ng iskemang pribatisasyon. “Ipinapasa ang obligasyon ng gubyerno na magbigay-serbisyo kabilang ang pampublikong transportasyon sa mga korporasyon tulad ng LRMC,” pahayag nito.

Pagdidiin nila, laging uunahin ng mga kapitalistang may-ari ng LRMC ang pagpapalaki ng kanilang kita nang hindi iniisip ang kapakanan ng mga komyuter. “Pantasya ang pag-iisip na hindi ito ang tunay na rason sa likod ng LRT-1 fare hike,” ayon pa sa Anakbayan.

Ang LRMC ay pinatatakbo ng Metro Pacific Light Rail Corporation ni Manny V. Pangilinan at AC Infrastructure Holdings Corp (subsidyaryo ng Ayala Corporation) ng mga Ayala. Alinsunod sa concession agreement sa pagitan ng gobyerno at LRMC, maaring itaas ng LRMC ang pamasahe kada dalawang taon at kung hindi ay babayaran ng gubyerno ang “fare deficit,” o ang tingin ng LRMC na kulang sa pamasahe para panatilihin ang kanilang tubo.

Isinagawa ng Department of Transportation noong Enero 9 ang isang pampublikong pagdinig hinggil sa petisyon ng LRMC para sa taas-pasahe. Dumalo dito, at nagpahayag ng kanilang pagtutol, sina Ferdinand Gaite ng Bayan Muna Party-list at mga kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na sina Jerome Adonis, Mimi Doringo at Mody Floranda.

“Nanawagan kami sa DOTr na tanggihan ang kontra-mahirap na petisyong ito. Dapat naghahanap ang gubyerno ng paraan para pagaanin ang pasanin ng mamamayang Pilipino, hindi dinaragdagan ang kanilang kahirapan. Ang pampublikong transportasyon ay serbisyo, hindi luho,” ayon kay Gaite.

Sa harap ng patung-patong na mga pagsirit ng presyo ng mga batayang bilihin at mga singil, sinabi ng Anakbayan na makatuwiran lang na magalit ang kabataan at mamamayan laban sa mga ito at pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan.

“Nananawagan ang Anakbayan sa kabataan na sama-samang tutulan at mag-protesta laban sa pribatisasyon sa mga serbisyo, at ipaglaban ang pambansang industriyalisasyon na tunay na susi sa libre, ligtas, at pangmasang pampublikong transportasyon sa Pilipinas,” pahayag ng grupo.

AB: Mga kabataan at estudyante, nagprotesta kontra taas-pasahe sa LRT-1