Balita

Mga kandidato sa pagkasenador ni Marcos, sinalubong ng protesta sa BulSU

,

Nakipaggitgitan sa pulis ang mga estudyante ng Bulacan State University (BulSU) para maisagawa ang aksyong protesta laban sa pagtitipon sa kampus ng mga kandidato sa pagkasenador ng rehimeng Marcos sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas noong Mayo 7. Ayon sa mga estudyante, hindi katanggap-tanggap ang pagpapapasok ng kandidatong ito sa kampus.

Isinagawa ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang isang press conference sa E-Library ng BulSU kung saan dumalo at nagbigay ng panayam sina Tito Sotto, Ping Lacson, Erwin Tulfo at Abby Binay.

Ayon sa BulSU Student Government (SG), “hindi welcome” ang alyansa ni Marco sa kampus. Hindi kailanman makakukuha ng boto sa mga kabataan ang grupong hindi pinahahalagahan ang kapakanan ng mga Iskolar ng Bayan. Hindi matatakpan ng mga bagong bihis ninyong kampanya ang kabalintinuan ng mga nakaraan ninyong pagtataksil sa mamamayan,” pahayag ng konseho.

Liban dito, nanawagan ang mga estudyante sa rehimen na ibaba ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod, maayos na pasilidad sa kampus sa harap ng napakainit na panahon, paniningil kay Marcos at pagpapanagot kay Duterte at iba pa.

Dagdag pa ng konseho, sampal sa mga kandidato ng Alyansa ang mga nakaraang sarbey sa eleksyon ng Konseho ng Mag-aaral at Pacesetter na kahit isa sa manok ni Marcos ay hindi pumasok. “Malaking patunay na hindi kailanman sila welcome sa pamantasan. Palayasin ang mga pahirap sa mamamayan, mga panginoong may lupa, naghaharing uri, at mga tumatakbo lamang upang pangalagaan ang apelyido ng pamilya,” dagdag ng konseho.

Binatikos din ng konseho at mga estudyante ang biglaang pagdating at panggigipit ng mga armadong pulis sa loob mismo ng unibersidad.

AB: Mga kandidato sa pagkasenador ni Marcos, sinalubong ng protesta sa BulSU