Mga kawani ng gubyerno, iginigiit ang badyet para sa dagdag-sweldo

Nagprotesta ang mga kawani ng gubyerno noong Agosto 10 sa harap ng House of Representatives sa Quezon City para igiit ang dagdag na badyet para sa mga kawani. Kasabay ang protesta ng unang araw ng pagdinig sa House Committee on Appropriations ng panukalang ₱5.768 trilyong pambansang badyet ng rehimeng Marcos Jr para sa 2024.

Pinangunahan ang pagkilos ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Alliance of Health Workers (AHW).

Ayon sa mga grupo, katiting ang inilaan para sa kagalingan ng mga kawani habang limpak-limpak ang pera sa intelligence at confidentials fund ng presidente, bise-presidente at ng ilan pang ahensya ng gobyerno.

“Labis kaming nadismaya na ang dagdag-sweldo para sa mga kawani ng gubyerno ay hindi man lamang nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo. Pero ngayon, nagagalit kami na ang badyet para sa dagdag-sweldo para sa mga kawani ay hindi makita sa panukalang pambansang badyet,” ayon kay Mr. Santiago Y. Dasmarinas Jr, pangulo ng Courage.

Umalma naman si Raymond Basilio, Pangkalahatang Kalihim ng ACT sa sinasabing “pag-aaral” na isinagawa ng Department of Budget and Management dahil sa kawalan ng konsultasyon nito sa mga kawani ng gubyerno kabilang na ang mga guro sa pampublikong paaralan. Aniya, matagal nang isinasaisantabi at binabalewala ang panawagan nilang dagdag-sweldo para sa mga guro.

Inihapag din ng mga grupo ang hinaing ng mga subsektor ng mga kawani kabilang na ang mas mababa pang sahod ng mga empleyado sa mga lokal na gubyerno, at kawalan ng plano para sa dagdag-sahod at benepisyo para sa mga manggagawang job order at kontraktwal.

Noong Agosto 8, nakipagdayalogo ang naturang mga grupo sa ilalim ng All Government Employees kay Deputy Speaker Congressman Ralph Recto para kumbinsehin na isulong ang dagdag-sweldo at benepisyo para sa mga kawani.

AB: Mga kawani ng gubyerno, iginigiit ang badyet para sa dagdag-sweldo