Labi ng organisador ng kilusang paggawa na pinatay sa Rizal, nabawi na

,

Nabawi na ng pamilya at mga kasapi ng mga progresibong organisasyon, ang labi ni Jude Thaddeus Fernandez, organisador at lider ng kilusang paggawa, kahapon, Oktubre 7. Mahigit isang linggong tumanggi ang mga pwersa ng estado na ibigay sa pamilya ang bangkay. Nabawi ang kanyang labi sa gitna ng mga protesta ng iba’t ibang grupo ng manggagawa at kabataan, kabilang ang mga paglalamay na isinagawa sa harap mismo ng punerarya sa Binangongan, Rizal.

Si Fernandez ay pinatay ng mga pulis sa kanyang tinutuluyang bahay sa Binangonan, Rizal noong Setyembre 29. Nireyd ng mga tauhan ng mga pulis, kasama ang CIDG, ang tinutuluyan niyang bahay kung saan siya binaril. Matapos nito ay pinalabas ng mga pulis na “nanlaban” siya habang hinahainan ng mandamyento de aresto. Pero ayon sa nakalap na ulat ng fact finding mission (FFM), dalawang putok lamang ng baril ang narinig ng mga kapitbahay sa araw na iyon. Wala ring anumang palatandaan na may “nanlaban” sa loob ng bahay na siniyasat ng FFM.

Ayon sa KMU, walang mailabas na patunay ang Philippine National Police (PNP) na si Fernandez ang kanilang inaakusahan na nagngangalang “Oscar Dizon” na siyang pangalan sa arrest warrant na inihain sa pinatay na organisador.

“Hindi mapabulaanan ng PNP ang laksang ebidensya na siya si Jude Thaddeus Fernandez,” ayon sa grupo. Panawagan nila ang pag-aresto at pagtanggal sa pwesto sa lahat ng mga pulis na sangkot sa pagsalakay sa bahay at pagpatay kay Fernandez.

Bagamat nabawi na ang labi ni Fernandez, hindi pa natatapos ang laban. “Katuwang ang kanyang pamilya, maglulunsad tayo ng sariling imbestigasyon para papanagutin ang mga sangkot sa brutal na pagpaslang kay Fernandez,” ayon sa KMU.

Nabawi ang labi ni Fernandez sa araw na ginugunita ng mga manggagawa ang Internasyunal na Araw ng Disenteng Paggawa. Inialay nila ang kanilang mga pagkilos sa araw iyon sa pinaslang na organisador at nangakong ipagpapatuloy ang kanyang simulain.

Sa araw na ito, nagpaabot din ng pagkundena sa pagpaslang kay Fernandez at pakikiisa sa panawagan ng hustisya ang International Trade Union Confederation at iba pang internasyunal na organisasyong manggagawa.

AB: Labi ng organisador ng kilusang paggawa na pinatay sa Rizal, nabawi na