Mga magsasaka at residenteng inagawan ng 73-ektaryang lupa sa Pampanga, nagpiket sa DAR at Kongreso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang mga magsasaka at residenteng kasapi ng Anunas United Farmers and Homeowners Association (AUFHA) mula sa Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City, Pampanga sa Department of Agrarian Reform (DAR) at House of Representatives sa Quezon City noong Mayo 13 at 14. Ipinanawagan nila ang pagbawi sa 73-ektaryang lupa sa Sityo Balubad na kinamkam ng Clark Hills Properties Corporation.

Ang piket ng AUFHA sa pambansang upisina ng DAR ay kasunod ng kanilang isinagawang dayalogo kasama ang mga upisyal ng ahensya noong Mayo 13. Inireklamo nila ang pang-aagaw ng lupa ng pribadong korporasyong Clark Hills sa kabila ng hawak ng mga residente na certificate of land ownership award (CLOA) at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines. Nagpiket sila ngayong araw sa House of Representatives kasabay ng paghahain ng grupong Makabayan ng resolusyon para paimbestigahan ang marahas na demolisyon sa kanilang komunidad.

Naapektuhan ng demolisyon at pangangamkam ng lupa ang mahigit 500 kabahayan o tinatayang 2,000 residente. Liban dito, pinangangambahan ding maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

Noong Marso, tuluyang napalayas sa kanilang mga lupa ang mga residente matapos ang serye ng marahas na mga demolisyon. Sa mga operasyong ito, pitong residente ang nasugatan noong Marso 12 sa walang-patumanggang pamamaril ng mga pulis kasabay ng pagbuwag sa barikada ng mga residente ng 500 pinagsanib na mga pulis at maton ng Clark Hills. Maging ang mga mamamahayag sa lugar ay dinahas ng mga pwersang panseguridad.

Dati nang ipinahayag ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na ang pangangamkam ng lupa sa Sityo Balubad ay bahagi ng mga agresibong proyektong “pangkaunlaran” sa buong prubinsya ng Pampanga at maging sa Central Luzon na para lamang sa ganansya ng iilan. Anila, bahagi ito ng grandyosong planong Greater Capital Region na inilalako ng mga negosyante at mayayaman.

AB: Mga magsasaka at residenteng inagawan ng 73-ektaryang lupa sa Pampanga, nagpiket sa DAR at Kongreso