Pahayag

Pakikiisa sa masang magsasaka sa anibersaryo ng Mendiola Massacre

Nakikiisa ang buong Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa masang magsasaka sa paggunita ng ika-36 na taong anibersaryo ng Mendiola Massacre. Muli natin sariwain sa ating alaala ang 13 biktima ng pamamaril ng mga pasistang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa ilampung libong magsasakang nagmamartsa noon para sama-samang ihayag ang hinihingi nilang tunay na reporma sa lupa.

Ang sigaw noon ng masang magsasaka para sa lupa ay siya pa ring sigaw ngayon ng libu-libong inaapi at pinagsasamantalahan sa kanayunan. Biktima sila ng mga panginoong maylupa, usurero, mga komersyante sa anyo ng tagibang na hatian sa ani, mababang pasahod, mataas na interes sa pautang at napakababang presyo ng pagbili sa kanilang produkto. Inaagawan sila ng lupa ng mandarambong na malalaking kapitalistang dayuhan at kasosyong mga burgesyang komprador.

Biktima sila ng patakaran ng walang rendang pag-aangkat ng mga dayuhang produktong pang-agrikultura sa ilalim ng mga patakarang neoliberal na ipinataw mahigit tatlong dekada na sa ilalim ng GATT/WTO. Ang pagbaha sa Pilipinas ng dayuhang bigas, asukal, sibuyas, bawang, kamatis at iba’t ibang gulay, pati na asin, ay umaagaw sa benta ng mga lokal na produkto na nagreresulta sa malawakang pagkalugi ng masang magsasaka at pagkawasak ng lokal na produksyon.

Lalo lamang nalulugmok sa hirap at gutom ang masang magsasaka sa pagpapatuloy ng mga patakarang ito sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Hinirang ni Marcos ang kanyang sarili na pinuno ng Department of Agriculture para diumano lubos na bigyang-pansin ng kanyang gubyerno ang paglutas sa mga problema sa agrikultura. Pero bulaan at walang saysay ang mabubulaklak na salita ni Marcos, gayong wala siyang inatupag kundi mag-angkat at kontrolin ang ismagling ng mga produktong agrikultural.

Ang nagpapatuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa masang magsasaka ay sinasagot ng walang-humpay nilang paglaban sa buong kapuluan. Mula hilagang Luzon hanggang katimugang Mindanao, patuloy silang nagbubuklod at sama-samang kumikilos para ipaglaban ang kanilang interes.

Saanman sila magbangon, ang masang magsasaka ay sinasalubong ng naghaharing uri ng panunupil at karahasan. Ginagamitan sila ng terorismo ng estado sa anyo ng pagpapailalim ng kanilang mga baryo sa kontrol ng militar, pwersahang pagpapa-“surender” at pag-amin na sumusuporta sa armadong kilusan, pag-aaresto, pagtortyur at mga pagpatay. Subalit hindi nagpapatinag sa pasistang pang-aapi ang masang magsasaka. Sila ay magigiting na bayaning hindi magpapagupo at patuloy na lalaban.

Sa harap ng lalong paglugmok ng Pilipinas sa krisis at kahirapan, dapat lamang na ibayong paigtingin ang pakikibaka ng masang magsasaka kasama ng buong bayan. Mistulang tuyong dayami ang malawak na kagutuman at kahirapan na kanayunan. Dapat palagablabin ang malawak na pakikibakang magsasaka para itaas ang kanilang bahagi sa ani, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, ibaba ang interes sa pautang, at para labanan ang pang-aagaw sa kanila ng lupa at ang pagpasok ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalistang nagtatayo ng mga mina, plantasyon, mga proyektong pabahay, panturista, pang-enerhiya at iba pa. Dapat pagbuklurin ang pakikibaka ng masang magsasaka sa isang malaking pagdaluyong ng libu-libong nagmamartsa mula sa kanayunan tungo sa mga kabayanan.

Sa kanayunan, patuloy na lumalakas at lumalaganap ang Bagong Hukbong Bayan dahil sa malalim at malawak na suporta ng masang magsasaka. Ang BHB, kung tutuusin, ay isang hukbo ng masang magsasaka, na binubuo ng karamiha’y mga kabataang magsasakang naging mga Pulang mandirigma. Saanman naroon ang BHB, may katuwang ang masang magsasaka sa kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Ngayong araw, humarap tayo sa dambana ng mga martir ng Mendiola Massacre. Buong-puso nating pagtibayin ang ating paninindigan na patuloy na bagtasin ang landas ng militanteng paglaban, ng pagsulong ng lahat ng anyo ng pakikibaka, higit lalo ng armadong pakikibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Pakikiisa sa masang magsasaka sa anibersaryo ng Mendiola Massacre