Mga magsasaka ng Hacienda Tinang, nagpiket sa upisina ng Ombudsman

,

Nagpiket sa upisina ng Ombudsman sa Quezon City noong Oktubre 4 ang mga magsasakang kasapi ng Malayang Kilusang Samahan ng Magsasaka ng Tinang (Makisama-Tinang) mula sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac. Kasabay ito ng paghahain nila ng motion for reconsideration sa pagbasura ng Ombudsman sa mga kriminal at administratibong kaso laban sa mga pulis ng Concepcion na nandahas sa kanila.

Ang mga kaso ay isinampa ng tinaguriang Tinang 83, na binubuo ng mga magsasakang benepisyaryo ng reporma sa lupa (argarian reform beneficiary o ARB) at kanilang mga tagasuporta laban sa mga pulis na marahas na nang-aresto sa payapang bungkalan noong Hunyo 9, 2022. Patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ang ginawa ng mga pulis laban sa mga biktima.

Sa resolusyon ng Ombudsman, sa higit 30 pulis na kinasuhan ng mga biktima, tanging si dating police officer-in-charge ng Concepcion na si Plt. Col. Reynold Macabitas lamang ang hinatulang may sala sa “discourtesy” at tanging pangaral lamang ang parusa niya. Ang Tinang 83 ay nagsampa ng reklamong perjury, hindi makatarungang pag-aresto, arbitraryong detensyon, pekeng testimonya, pisikal at mental na tortyur.

Kinundena ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang desisyon ng Ombudsman, na para sa kanila ay hinahayaang magpatuloy ang kawalang pananagutan ng kapulisan sa bayan ng Concepcion. Ayon kay Ariel “Ka Ayik” Casilao, tumatayong tagapangulo ng UMA, dismayado sila sa desisyon dahil karapatan ng mga magsasaka na bungkalin ang kanilang lupa at mismong Department of Agrarian Reform ang kumikilala sa istatus ng mga magsasaka bilang lehitimong benepisyaryo nito.

“Kung may dapat managot sa nangyari sa bungkalan sa Hacienda Tinang noong 2022, ito ay ang kapulisang nanghimasok sa isang agrarian dispute — at bawal manghimasok ang pulis at militar sa ganitong sitwasyon,” ayon kay Casilao.

Dagdag pa niya, “Sino ang nakikinabang sa pagbubulag-bulagan ng mga ahensya ng estado sa abuso ng kapulisan sa uring magsasaka at mga tagasuporta nito? Hindi ba’t mga landgrabber na nasa poder?”

AB: Mga magsasaka ng Hacienda Tinang, nagpiket sa upisina ng Ombudsman