Mga manggagawa sa Central Visayas, umalma sa huling-huli at napakaliit na dagdag-sahod

Dismayado ang mga manggagawa sa Central Visayas sa huling-huli at napakaliit na ₱33 dagdag-sahod sa rehiyon na ibibigay simula Oktubre. Ayon sa Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU), malayo ang dagdag-sahod sa ₱100-₱292 na ipinetisyon ng mga samahang manggagawa, at sa ₱1,236 nakabubuhay na sahod na kinakailangan sa rehiyon.

Mula sa kasalukuyang ₱382-₱435, makatatanggap ng ₱415-₱468 ang mga manggagawa sa rehiyon. “Liban sa huling-huli na, hindi ito mapagkakasya sa napakataas na presyo ng pangunahing mga bilhin,” ayon kay AMA Sugbo-KMU chairperson Jaime Paglinawan.

Sa mismong datos ng National Wages and Productivity Commission, ang tunay na halaga ng ₱435 sahod ng manggagawa sa rehiyon ay nasa ₱375 lamang dulot ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Giit ng AMA Sugbo-KMU, binalewala ng mga ahensya ng gubyerno ang hinaing ng mga manggagawa at sa halip ay pinaboran ang mga kapitalista na bigyan lamang ng “mumo” ang mga manggagawa.

Dagdag pa nila, walang silbi ang mga pampublikong pagdinig na isinagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-7 (RTWPB-7) dahil hindi naman nakinig ang mga ahensya sa argumentong inihapag ng mga manggagawa.

“Mayroong kakayahan ang mga negosyante na bigyan ang mga manggagawa ng hanggang ₱170 dagdag sahod batay sa kompyutasyon ng IBON Foundation gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority at Annual Survey of Philippine Business and Industries 2020,” ayon kay Paglinawan.

Taliwas din umano ang kakarampot na dagdag sahod sa tumaas na Gross Regional Domestic Product ng Central Visayas na ayon mismo sa datos ng gubyerno ay ₱1.135 trilyon noong 2020, ₱1.196 trilyon noong 2021, at ₱1.287 trilyon noong 2022. “Kung walang manggagawa, hindi malilikha ang produkto at super ganansya na nasa kamay lang ng kapitalista,” ayon kay Paglinawan.

Tinatayang nasa ₱83-₱93.6 lamang kada araw ang badyet ng bawat isang myembro ng 5-myembrong pamilya sa magiging minimum na ₱415-₱468 na sahod kada araw sa rehiyon. Hindi pa nakakalatas dito ang mga sapilitang singilin tulad ng SSS, Philhealth at Pag-ibig at maging ang bayarin sa transportasyon, kuryente at tubig, renta sa bahay at mga bayarin sa eskwela ng mga anak.

Sa harap ng mababang sahod, hinamon ni Paglinawan ang mga manggagawang regular at kontraktwal, mga unyonisado at hindi, na magkaisa at palakasin ang tinig ng mga manggagawa. “Kailangan ang pagkakaisa ng mga manggagawa para igiit sa administrasyong Marcos ang pambansang minimum na sahod na nakabatay sa family living wage,” pagtatapos ni Paglinawan.

AB: Mga manggagawa sa Central Visayas, umalma sa huling-huli at napakaliit na dagdag-sahod