Mga manggagawang nakapailalim sa kaayusang "job order" ng gubyerno, nanawagan ng katiyakan sa trabaho
Nanawagan ang mga kawani na nakapailalim sa kaayusang job order-contract of service (JOCOS) sa ilalim ng Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon) na bigyan ng seguridad sa trabaho at gratuity pay ang mga kawani sa lahat ng mga ahensya at institusyon ng gubyerno. Sa kanilang pagkilos noong Nobyembre 25, binatikos nila ang pahayag ni Ferdinand Marcos na dapat magsilbing “balon” ang mga manggagawang JOCOS para sa mga pusisyong regular sa burukrasya ng gubyerno.
“Naniniwala kami na ang iskemang JOCOS ay sumisira sa relasyong empleyado-employer, at nagkakait sa mga manggagawa ng pundamental nilang karapatan sa seguridad sa trabaho at malayang asosasyon,” pahayagng Kalakon.
Ang pagturing sa mga manggagawang JOCOS bilang “balon” ay “redundant” (pagdodoble), ayon sa grupo, dahil umiiral na bilang “balon” ng mga pusisyong plantilya ang mga contractual at probationary na mga kawani. Panawagan ng grupo na gumawa ang administrayong Marcos ng mapagpasyang hakbang para gawing regular ang lahat ng kwalipikadong manggagawa, bigyan ng civil service eligibility ang mahigit tatlong taon nang nasa serbisyo at ibalik ang pagreregularisa sa lahat ng mga ahensya at kagawaran na siyang dating kalakaran sa pampublikong sektor.
Nanawagan rin ang grupo na ibigay na ang gratuity pay mga manggagawang JOCOS, partikular ang holiday pay na katumbas sa isang buwang sahod bago ang Pasko.
Mayroong humigit-kumulang 832,812 manggagawang JOCOS sa gubyerno, ayon sa mga ulat noong 2023. Binubuo nila ang halos 29.68% ng kabuuang lakas-paggawa ng burukrasya sibil. Lima sa pangunahing mga ahensyang may pinakamaraming manggagawang JOCOS ang Department of Public Works and Highways (29,275 manggagawa), Department of Health (18,264), Department of Education (15,143), Department of Social Welfare and Development (13,770) at Department of Environment and Natural Resources (10,990).