Balita

Mga mangingisda, grupong maka-kalikasan: Universal Robina Corporation, dapat panagutin sa pagkabuhos ng ethanol sa Bais Bay

, ,

Nanawagan ng pananagutan mula sa Universal Robina Corporation (URC) ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Negros Island at maka-kalikasang grupo na Hakson Inc dahil sa pagkabuhos ng kemikal na ethanol mula sa URC Sugar and Renewables Group Distillery Plant sa Bais City, Negros Oriental. Natapon ang kemikal noong Oktubre 24 sa North Bais Bay na puminsala sa 3,000 ektarya ng Tañon Strait Protected Seascape, isa sa pinaka-biodiverse na marine ecosystem sa mundo.

Ayon sa mga ulat, nabuhos ang kemikal matapos gumuho ang lagoon na iniimbakan ng URC. Isinisisi ng kumpanya ang pagkasira ng imbakan sa magkakasunod na lindol at malalakas na ulan. Tugon dito ng Hakson Inc, hindi ito simpleng natural na sakuna laluna at mayroong rekord ang kumpanya ng deka-dekada nang hindi ligtas na pangangasiwa sa mga basura at dumi nito.

“Isa itong inaasahang resulta ng isang modelo ng pag-unlad na inuuna ang pag-eeksport ng ethanol at pribadong ganansya kumpara sa kaligtasan ng ekolohiya,” pahayag ng Hakson Inc. Dagdag nito, inilantad ng sakunang ito hindi lamang ang pagwawalang bahala ng kumpanya kundi ang matinding kontradiksyon ng isang ekonomya na binabaliwa ang kalikasan at mamamayan.

Sa laki ng epekto ng ethanol spill sa mga residente at kabuhayan sa Bais City, nagdeklara na ang lokal na gubyerno ng “state of calamity.” Ipinatigil na rin kaagad ang operasyon ng planta.

Ayon sa Pamalakaya-Negros Island, higit 3,000 mangingisda ng Bais City at bayan ng Manjuyod ang apektado ang kabuhayan. Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa gubyerno ng agarang tulong sa ekonomya at pangmatagalang kumpensasyon.

“Tiyak na matatagalan bago makabalik sa kabuhayan ang libo-libong mangingisda…kaya nararapat rin na agaran ang aksyon ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya para alalayan ang mga mangingisdang hindi makakapalaot,” pahayag ni Vincent Fernandez, tagapangulo ng Pamalakaya-Negros Island.

Lalasunin ng ethanol spill ang mayamang katubigan at lamang-dagat ng Tañon Strait. Dito naninirahan ang hindi bababa sa 14 species ng cetacean, kabilang na ang nanganganib nawala na Irrawaddy dolphin, mga pagong, whale shark, at mariang mga coral at seagrass species.

Sa harap ng mga epektong ito sa kalikasan at kabuhayan, itinutulak ng Hakson Inc at Pamalakaya-Negros Island ang pagpapabayad sa URC para sa buong rehabilitasyon sa Bais Bay at para sa nawalang kita ng mga apektadong komunidad.

AB: Mga mangingisda, grupong maka-kalikasan: Universal Robina Corporation, dapat panagutin sa pagkabuhos ng ethanol sa Bais Bay