Balita

Mga mangingisda, naperwisyo sa pagbabawal na pumalaot sa Cagayan dahil sa Balikatan

,

Binatikos ng mga mangingisda at ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang pagpapataw ng ilang araw na “no-sail zone” sa bayan ng Aparri, Cagayan para sa ilulunsad na Counter Landing Live Fire na bahagi ng Balikatan war games sa Mayo 3 hanggang 4. Ayon sa mga mangingisda, perwisyo ang pagbabawal dahil magreresulta ito sa kawalan ng kita at maipapakain sa pamilya.

Sa datos ng lokal na gubyerno, aabot sa 15,000 nakarehistrong mangingisda ang mapeperwisyo ng pagbabawal.

“Ang dalawang araw na hindi pagpalaot ay mabigat na para sa mga mangingisdang sa dagat lamang nagmumula ang kabuhayan. Ngayon pa lang ay matindi na ang pag-aalala nila para sa pagkain ng kanilang mga pamilya sa panahong ipagbabawal ang pangingisda,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Ayon pa sa Pamalakaya, napag-alaman ng kanilang grupo na walang kompensasyon na ibibigay ang lokal na gubyerno sa mga apektado. “Hindi makatuwiran na ang mga mangingisda pa ang magsasakripisyo para lamang bigyang-daan ang Balikatan na wala namang kabuluhan para sa mga ordinaryong Pilipino,” dagdag ni Hicap.

Sinimulan ng mga sundalo ng Pilipinas at US ang Balikatan war games sa Barangay Dodan, Aparri noong Abril 28 na tatagal hanggang Mayo 4.

Sa pagsisimula ng war games, ipinarada ng US at Pilipinas ang mga armas pandigma nito kabilang ang armored security vehicles, light tanks, at truck-mounted howitzers sa mga pangunahing kalsada ng Aparri na nagdulot ng lubhang pagkabahala sa mga residente. Ibinahagi ng isang residente ang bidyo ng mga sasakyang pandigma at nilagyan niya ng panawagang “no to war.”

Una nang nagpatupad ng “no-sail zone” ang lokal na gubyerno ng Zambales noong Abril 25 hanggang Abril 27 sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan at Subic. Ikinalugi ito ng mga mangingisda at mga nakaasa sa pagpalaot para sa kabuhayan.

AB: Mga mangingisda, naperwisyo sa pagbabawal na pumalaot sa Cagayan dahil sa Balikatan