Balita

Mga mangingisda sa Navotas City, muling nagpiket kontra demolisyon ng tahungan

,

Muling nagpiket ang mga mangingisda ng Navotas City sa ilalim ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas noong Abril 30 sa Navotas Regional Trial Court (RTC) kasabay ng pagdinig ng korte sa kanilang petisyon. Nagsampa ang 400 magtatahong at mangingisda ng petisyon noong Hunyo 2024 para hingin sa korte ang writ of preliminary injunction at temporary restraining order (TRO) laban sa demolisyon ng kanilang tahungan.

Libu-libong mga mangingisda, manggagawa at manininda sa syudad ang nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon sa daan-daang tahungan sa baybayin sa Navotas City. Nagsimula ang demolisyon noong Marso 16, 2024, saklaw ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.

Naniniwala ang mga residente na walang katotohanan ang sinasabi ng lokal na gubyerno na batay sa Supreme Court mandamus noong 2008 na nag-utos sa paglilinis ng Manila Bay ang pagbabaklas sa kanilang mga tahungan at baklad. Anila, malinaw na para ito sa 650-ektaryang Navotas Bay Reclamation Project na itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company. Ang Argonbay ay subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Sa protesta, binigyang-diin din ng Pamalakaya-Navotas ang mga natuklasan ng isinagawang pag-aaral sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na tinalakay sa pagdinig sa korte.

Sa pinondohang pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), natuklasan na “lalala ang pagbaha, panganib sa kalusugan ng publiko, pagkawala ng biodiversity, at pagbaba ng mga huli dahil sa urbanisasyon na inaasahang idudulot ng reklamasyon.”

“Malinaw na ipinapakita ng sariling pag-aaral ng DENR ang katotohanan ng sinasabi ng mga mangingisda at tagapagtanggol ng kalikasan na ang reklamasyon ay nagdudulot ng malawakang pagbaha, naglalagay sa panganib sa kalusugan ng publiko, sumisira sa marine biodiversity, at nagpapababa ng huli ng isda,” pahayag ni Romel Escarial ng Pamalakaya-Navotas.

Aniya, “sa Navotas ay nararanasan na namin ang mga kahihinatnan nito, at mas malala pa, giba na ang aming mga tahungan para sa isang proyekto sa reklamasyon na pakikinabangan lamang ng malalaking negosyo.”

Nanawagan ang mga mangingisda na ihinto ang lahat ng proyekto sa reklamasyon sa Manila Bay, ibalik ang karapatan ng mga mangingisda sa kanilang kabuhayan, at bayaran ang mga may-ari ng mga ginibang tahungan.

Isa ang Navotas Bay Reclamation Project sa 21 proyektong reklamasyon sa palibot ng Manila Bay. Sa mga ito, dalawa ang kasalukuyang gumugulong ang operasyon, 12 ang naaprubahan at pito ang nakapanukala pa lamang.

AB: Mga mangingisda sa Navotas City, muling nagpiket kontra demolisyon ng tahungan