Mga nagbarikadang Aeta, iligal na inaresto
Iligal na inaresto ng mga elemento ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang ilang myembro ng Aeta na nagbabarikada sa bunganga ng Mt. Pinatubo, Capas, Tarlac noong Abril 18. Sinampahan sila ng kasong obstruction of public passage at di awtorisadong pagpasok sa protektadong lugar, na labag diumano sa lokal na ordinansa at pambansang batas.
Nagbarikada ang mga Aeta ng Mt. Pinatubo sa Sityo Tarukgan, Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa at para sa patas na kompensasyon sa gitna ng mapagsamantalang turismo.
Bagama’t nakalaya sa parehong araw ang mga inaresto, patuloy namang tinatakot at ginigipit ng PNP ang kanilang komunidad.
Kinundena ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang pag-aresto. Anito, nakagagalit na ito ang tugon ng pulis sa paglaban ng mga Aeta para sa kanilang kabuhayan. “Hindi krimen ang pagtatanggol sa batayang karapatan.”
Ayon naman sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), kinikilala nito ang laban ng mga Aeta at hinihingan ng paliwanag ang PNP ukol sa kanilang pag-aresto sa mga katutubo. Sinabi rin nitong nakikipagtulungan na ito sa mga komunidad ng Aeta at sa lokal na ahensya ng Capas para tugunan ang mga hinaing ng Aeta at tiyakin na nabibigyan sila ng angkop na kumpensasyon. Gayunpaman, pinabulaanan ito ng mga Aeta at sinabing walang naging aksyon ang ahensya sa kanilang mga hinaing.
Ayon kay Beverly Longid, Katribu National Convenor, “Hindi nakuha ng NCIP ang punto, hindi sapat na hingan ng paliwanag ang iligal na pag-aresto. Dapat kasuhan ang mga pulis na lumabag sa karapatan ng mga Ayta sa malayang pamamahayag at pagtitipon.”
“Ang laban ng mga Ayta ay hindi lamang tungkol sa tamang hatian at kumpensasyon, kundi pati sa tunay na pagkilala sa kanila at sa kanilang karapatan sa lupaing ninuno at teritoryo. Mas higit pa sa stakeholders, ang Aeta ang tunay na may karapatan,” ayon kay Longid.