Balita

Mga pamilya, kabilang ang 2 menor-de-edad, sa Negros Oriental, ginipit ng 62nd IB

,

Sapilitang pinasok at hinalughog ng mga sundalo ng 62nd IB ang mga bahay ng dalawang pamilya sa Sityo Gusa, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental noong Nobyembre 27. Ang ginipit na mga pamilya ay pinaratangang tumutulong at sumusuporta sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ayon sa ulat, pinasok ng mga sundalo ang bahay para sindakin si Joan Lechan. Dati nang ginigipit ng mga sundalo si Lechan na inaakusahan nilang nagbibigay ng suporta sa hukbong bayan kahit wala silang anumang patunay.

Pinasok din ang bahay ng pamilyang Perolino na nasa parehong barangay. Ipinailalim sa ala-batas militar na interogasyon sina Gary at Billy Perolino. Hiwalay na pinresyur para sumagot si Jastine Perolino tungkol sa kanyang asawa na hinahanap ng 62nd IB dahil sa aktibo niyang pagtatanggol sa karapatan ng mga residente sa komunidad.

Hindi pa nasapatan, nagbanta ang mga sundalo kay Jastine na imamasaker ang buong pamilya kasama ang kanyang 2- at 5-taong gulang na anak kung hindi ibubunyag kung nasaan ang kanyang asawa. Labis ang takot ng dalawang sambahayan sa ginawang panghaharas ng mga sundalo ng 62nd IB sa kanila sa araw na iyon.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ang may 335 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang 62nd IB na isinagawa nito sa mga bayan sa Central Negros. Higit 12,000 ang kabuuang bilang ng mga biktima nito kabilang na ang libu-libong mga bata.

AB: Mga pamilya, kabilang ang 2 menor-de-edad, sa Negros Oriental, ginipit ng 62nd IB