Mga Pilipino sa US, nagprotesta para sa hustisya kay Jennifer Laude
Nagmartsa at nagsabit ng isang malaking balatengga ang mga grupo ng migranteng Pilipino sa Lakewood, Washington, sa United States noong Oktubre 12 para manawagan ng hustisya sa okasyon ng ika-10 taong anibersaryo ng pagpaslang kay Jennifer Laude. Si Laude ay pinatay ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014.
Nasa Pilipinas noon ang sundalong si Pemberton para lumahok sa isang war game sa pagitan ng Pilipinas at US. Pinahihintulutan ng gubyerno ng Pilipinas ang presensya ng tropang Amerikano sa bansa sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Kahit nahatulan si Pemberton sa mas mababang kaso na “homicide,” hindi siya nakulong sa Pilipinas o naipailalim man lamang sa kustodiya ng gubyerno ng Pilipinas. Ito ay dahil alinsunod sa VFA, ang US ang pangunahing awtoridad na magtatakda sa kanyang pagkakabilanggo, kahit pa nahatulan siya ng korteng Pilipino. Mas malala, noong 2020, ginawaran siya ng noo’y rehimeng Duterte ng “absolute pardon.” Malaya siyang nakabalik at naninirahan ngayon sa US.
Ang pagkilos sa Washington ay pinangunahan ng GABRIELA Seattle, Malaya Movement PNW Seattle, International Coalitions for Human Rights in the Philippines PNW Seattle, at Resist US-Led War Movement. Nanawagan sila ng suporta sa mga Pilipino at Amerikano na igiit ang pagpapalayas ng sundalo at base militar ng US sa Pilipinas.
Naglunsad sila ng programa sa tapat ng Lakewood Pierce County Library bago nagmartsa tungo sa Joint Base Lewis-McChord (JBLM). Ang JBLM ang base ng US sa Washington na nagsisilbing himpilan ng mga sundalong nagpapayo sa programang kontra-insurhensya sa Pilipinas at nagpapadala ng mga tauhang militar sa mga war games sa bansa.
Nakabase dito ang 5th Security Force Assistance Brigade isa sa mga pangunahing yunit na lumalahok sa war games kasama ang Armed Forces of the Philippines bilang bahagi ng US National Defense Strategy. Nakatutok ng pwersang ito sa Indo-Pacific.