Mga residente sa Calapan City, nanindigan kontra dredging
Tinutulan ng mga residente ng Barangay Silonay, Calapan City, Oriental Mindoro ang planong dredging sa baybaynin nito at katabing Barangay Maidlang. Ipinahayag nila ang pagtutol sa isinagawang pampublikong konsultasyon noong Mayo 9, sa suporta ng Mindoro Forum Network (MFN), Alyansa Laban sa Mina, at mga upisyal ng barangay.
Kaagad umaksyon at nagsalita laban sa dredging ang mga residente dahil dumating noong Abril 29 ang malalaking trak sa bukana ng Silonay-Bucayao River para sa sand testing. Nabahala ang mga residente dahil paunang hakbang ito para sa dredging na makaapekto sa kanilang kapaligiran, kabuhayan, at lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Dumalo sa konsultasyon ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Environmental Management Bureau (EMB) na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources. Inimbitahan din ng mga residente ang upisina ni Governor Bonz Dlor at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Ayon sa MFN, “nilayon ng pampublikong konsultasyon na magbigay paglilinaw sa due process ng mga ganitong klaseng proyekto, mailahad ng mga apektadong pamayanan ang kanilang tindig sa usapin, at makapagdagdag kaalaman hinggil sa depinisyon at epekto ng dredging.”
Sa tugon ng CENRO at PGENRO sa mga residente, sinabi nitong ang proyektong dredging sa mga baybayin ng Silonay at Maidlang ay nasa antas pa lamang ng aplikasyon at wala pa sa ganap na implementasyon. Anila, wala silang ideya kung sino ang nagmamay-ari sa mga malalaking trak na pumasok sa dalawang barangay.
Tumanggi rin ang mga ahensya na ipaliwanag sa mga residente ang hiniling nilang paglalarawan sa proyektong dredging na planong isagawa sa lugar. “Upang makapagsulat ng kanilang posisyon ang mga mamamayan ng Silonay at Maidlang, kailangan muna nilang malaman ang description ng dredging project na ito para magsilbing batayan sa kanilang kapasyahan,” pahayag ni Evelyn Cacha, isang lokal na environmentalist na matagal nang naninindigan laban sa pagmimina sa isla ng Mindoro.
Hindi dumalo sa konsultasyon ang GC8 Dredging and Reclamation Corporation, kumpanyang nagtutulak ng dredging sa lugar. Sa isang sulat, itinanggi ng kumpanya na sila ang nagpadala ng mga trak.
“Sa kasalukuyan, nananatiling lutang ang katanungan kung paano nakapasok ang malalaking trak at sino ang nagbigay ng pahintulot sa kanila na pumunta sa mga barangay at magkasa ng sand testing,” ayon sa MFN.
“Mapayapa kaming nabubuhay sa Barangay Silonay… Una, dito kami nakatira. Pangalawa, karagatan ang aming hanapbuhay,” pahayag ni Fe Rabino, isang manininda at residente ng Barangay Silonay.
Sa pagtatapos ng konsultasyon, naghanda ng magiging hakbang ang mga residente upang tutulan ang dredging. “Batid ng mga residente na ang ginanap na public consultation ay simula pa lamang ng pagpapatibay ng kanilang pagkakaisa para labanan ang mga mapanirang proyekto sa isla ng Mindoro,” ayon sa MFN.
Noong Mayo 7, ang Barangay Silonay ay nagpasa ng resolusyon laban sa dredging. Sa araw ding iyon, isang resolusyon ang inilabas ng Sangguniang Panlungsod ng Calapan City para pormal na tutulan ang dredging at sand mining sa mga ilog at barangay sa baybay ng syudad.
Anang resolusyon, dapat tutulan ang mga ito dahil sisirain nito ang marine ecosystem, patitindihin ang hagupit ng mga sakuna, at isasapanganib ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.