Mga sangsyon ng US sa Syria, ipinatatanggal sa harap ng pinsala ng lindol

Umabot na 33,000 ang kumpirmadong nasawi sa lindol na yumanig sa hangganan ng Turkey at Syria noong Pebrero 6. Sa taya ng United Nations, maaaring umabot pa sa doble o higit pa ang kabuuang nasawi sa lindol na nasukat na may lakas na 7.8 magnitude.

Ayon sa upisyal na mga ulat, 24,617 ka tao na ang kumpirmadong nasawi sa Turkey habang 3,574 naman sa Syria. Gayunpaman, maraming kaswalti sa Syria ang hindi pa naitatala dulot ng bagal at kakulangan ng mga rescue team sa mga apektadong lugar.

Mahigit 26 milyon ang naapektuhan ng malakas na lindol. Sa Turkey mahigit 12,000 gusali ang nawasak kabilang ang ilang ospital.

Nagpapatuloy hanggang ngayon ang search-and-rescue operation. Tinatayang umabot sa 32,000 ang lumahok rito. Mayroon ding mahigit 8,000 rescuers mula sa iba’t ibang bansa. Nito lamang Pebrero 10, nagpadala ang Cuba ng mga manggagawang pangkalusugan nito para mag-abot ng tulong medikal sa Turkey at Syria.

Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Turkey, mayroong 248 Pilipino na nasa Turkey ang apektado ng lindol. Noong Pebrero 6, naiulat na kabilang sa mga nasawi ang dalawang Pilipino.

Trahedyang pinatindi ng imperyalismo

Napilitan ang US na pansamantalang isuspinde nang anim na buwan ang ilan sa unilateral na sangsyon na ipinataw nito sa Syria matapos ulanin ito ng batikos ng mamamayan at mga makataong organisasyon. Matagal nang ipinanawagan ng United Nations ang lubos na pagtatanggal sa naturang mga sangsyon na inilalarawang “nakamamatay” at nagpapatindi sa troma at pinsalang dinaranas ng ordinaryong mamamayang Syrian kahit bago pa ang lindol.

“Ang mapanggipit na mga sangsyon na ipinataw ng US sa Syria ay nagpapataas ng presyo at humahadlang sa mga operasyong makatao,” pagkundena ng International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies noong Pebrero 8. Ayon sa IFRC, higit na nahihirapan ang organisasyon na maglikom ng kinakailangang mga suplay para sa Syria dahil sa mga sangsyon.

“Itinataas nito ang presyo ng lahat ng aming pangangailangan (at) nagpapabagal sa paghatid ng mga serbisyo,” Dagdag dito, may “antas ng takot” na mapaparusahan sila sa kanilang trabahong makatao. Maraming airlines ang takot maghatid ng ayuda sa Syria dahil sa mga sangsyon, gayundin ang mga kumpanya. Kabilang sa ipinagbabawal ng US na ipadala o ibenta sa Syria ang mahigpit na kinakailangang mga gamot. Apektado maging ang pangangalap ng suporta para sa mamamayang Syrian na idinadaan sa mga website tulad ng GoFundMe. Tahasang isinara ng website na ito ang mga pagsisikap ng ordinaryong mamamayan na mangalap ng pondo para ipadala sa Syria.

Sa aktwal, mabilis na nakapagmobilisa ang US at mga kaalyado nito para mabigyan ng tulong at mga rescue worker ang Turkey, habang pikit-mata sa katulad na trahedya sa Syria. Pakikiramay at bukambibig na ayuda lamang ang ipinaabot nila sa mamamayang Syrian. Kahit matapos tanggalin ang ilang sangsyon, tanging Italy pa lamang ang aktwal na nagpadala ng ayuda sa Syria.

Kabilang sa mga ito ang tutang estado sa Pilipinas na nagpadala 85-kataong misyon sa Turkey, habang “pakikiramay” lamang ang ipinaabot sa Syria.

Sa krusyal na mga unang araw ng sakuna, ang tanging pinadalhan ng US at Europe ng ayuda ay ang mga erya na hawak ng mga maka-US na grupo tulad ng White Helmets (Syrian Civil Defense). Ayon sa isang upisyal ng Syria, kalakhan ng pondo at lahat ng makinarya mula sa Europe at US ay ipinadala sa Turkey.

Sa kabilang panig, agad na nagpadala ng ayuda, medisina at mga rescue unit ang Russia, China at Cuba kapwa sa Turkey at Syria. Gayundin ang ginawa ng Mexico at mga bansa sa Latin America kabilang Brazil, Venezuela, El Salvador at Colombia.

AB: Mga sangsyon ng US sa Syria, ipinatatanggal sa harap ng pinsala ng lindol