Sa ika-15 araw ng pagkawala: Mga grupo sa Southern Mindanao, nagprotesta para ilitaw ang dinukot na organisador ng manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) at Anakbayan-Southern Mindanao ngayong araw, Abril 25, sa Davao City para ipanawagan ang kagyat na paglilitaw sa dinukot na organisador ng mga manggagawa na si William Lariosa. Ika-15 araw na ngayon ng kanyang sapilitang pagkawala.

Dinukot ng mga ahente ng 48th IB si Lariosa, 63, noong Abril 10 sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon. Matagal nang pinag-iinitan ng militar si Lariosa at kanyang pamilya. Marami na siyang natanggap na banta at panggigipit kung kaya nagsangtwaryo siya sa Bukidnon mula pa 2021.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga grupo sa karapatang-tao noong Abril 11 sa bayan ng Quezon, kinumpirma ng mga residente ng komunidad ang nangyaring pagdukot kay Lariosa. Nananatiling walang impormasyon ang mga kaanak at kasama ni Lariosa sa kanyang kalagayan o kinaroroonan sa kasalukuyan.

Giit ng mga grupo, ang pagdukot kay Lariosa ay tahasang pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa at sa kalayaan sa asosasyon at pag-oorganisa. Nanawagan din ang KMU-SMR sa publiko na makipagtulungan sa kanila sakaling mayroon silang impormasyon sa kinaroroonan ng organisador.

AB: Mga grupo sa Southern Mindanao, nagprotesta para ilitaw ang dinukot na organisador ng manggagawa