Mga taong simbahan, nanawagan na tigilan ang panggigipit sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao

,

Inilunsad kaninang umaga ng mga taong-simbahan at relihiyoso ang isang piket sa Aurora Boulevard sa Quezon City bilang suporta sa 10 tagapagtanggol ng karapatang-tao na nahaharap sa kasong perjury na isinampa ni dating National Security adviser Gen. Hermogenes Esperon noong 2019. Nagtirik sila ng kandila at nagkalembang ng mga kampanilya sa pagkilos. Bago ang piket, nagkaisa muna sila sa isang misa.

Inilunsad ang pagkilos bilang paghahanda sa takdang paglabas ng desisyon ng lokal na korte kaugnay ng naturang kaso.

Ang 10 sinampahan ng kaso ay sina: Cristina Palabay, Elisa Lubi, Roneo Clamor, Edita Burgos, Reylan Vergara, Rev. Wilfredo Ruazol, Kiri Dalena at Jose Mari Callueng, pawang mga kasapi ng konseho ng Karapatan; mga upisyal ng Gabriela na sina Gertrudes Libang at Joan May Salvador; Rural Missionaries of the Philippines (RMP) National Coordinator Sr. Elenita Belardo; at RMP Northern Mindanao Region Coordinator Sr. Emma Cupin.

Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso ni Gen. Esperon matapos ang kanilang matapang na pagtindig laban sa panggigipit ng National Task Force-Elcac kung saan bahagi si Esperon.

Ipinabatid ng network na “One Faith. One Nation. One Voice.” ang suporta sa 10 tagapagtanggol ng karapatang-tao at pagtataguyod sa “karapatang sibil at pagpigil sa red-tagging, panghaharas, at iba pang abuso at paglabag laban sa mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao.”

Anito, ang pagpapahintulot ng estado sa wala sa katwiran at malupit na pagpuntirya sa kanila ay hindi lamang pagsasapanganib sa kanilang mga karapatan at kalayaan kundi nagpapatindi rin ng bulnerabilidad ng bawat isang tagapagtaguyod ng karapatang-tao.

“Nananawagan kami sa mananampalatayang Kristyano na samahan kaming ipanalangin [ang mga nasasakdal]. Nawa’y mangibabaw ang makatarungang hatol,” ayon sa kanilang pahayag na pinirmahan nina Most. Rev. Broderick S. Pabillo, D.D. Apostolic Vicar of Taytay, Palawan; Most Rev. Gerardo Alminaza, D.D., Bishop, Diocese of San Carlos, Roman Catholic Church; Ms. Minnie Ann Mata-Calub, Acting General Secretary, National Council of Churches in the Philippines; Most Rev. Rhee M. Timbang, Obispo Maximo, Iglesia Filipina Independiente; Bp. Emergencio Padillo, Bishop, United Church of Christ in the Philippines (UCCP); Sr. Rowena Piñeda, MMS, Chairperson, Sisters Association of Mindanao (SAMIN); Sr. Ma. Lisa Ruedas, DC, Daughters of Charity, Justice Peace and Integrity of Creation; at Rev. Dr. Federico Villanueva, Faith and Bayan.

Noong Enero 1 ay sinimulan din ng mga relihiyosong grupo ang siyam na araw ng panalangin para suportahan ang mga isinakdal.

Nauna nang ipinabatid ng hindi bababa sa 64 na organisasyon ang sumusuporta sa sampung nakasakdal. Sa inilabas na pahayag ng naturang mga organisasyon noong Disyembre 2022, idiniin ng mga ito na dapat ihinto ni President Marcos Jr ang lahat ng pagbabanta at atake laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Nagpahayag sila ng pagkakaisa na isulong ang pangangalaga sa mga karapatan, kabilang ang karapatan sa buhay, tamang proseso, kalayaan sa pagpapahayag, at kalayaan sa mapayapang pagtitipon.

AB: Mga taong simbahan, nanawagan na tigilan ang panggigipit sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao