10 tagapagtanggol ng karapatang-tao, ipinawalang-sala sa kasong perjury

Sinalubong ng palapakan ng ilampung tagasuportang nagpiket sa harap ng Quezon City Hall of Justice noong Enero 9 ang sampung tagapagtanggol ng karapatang-tao matapos silang ipawalang-sala ng lokal na korte sa kasong perjury. Isinampa ang kaso noong 2019 ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, dating upisyal ng National Task Force-Elcac.

Ayon sa mga demorkatikong grupo, krusyal ang desisyong ito ng korte lalupa sa ilalim ng bagong administrasyong Marcos sa harap ng nagpapatuloy na panggigipit sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Ipinawalang-sala ni Judge Aimee Marie B. Alcera ng Quezon City Metropolitan Court Branch 139 sa kasong perjury ang 10 na mula sa mga grupong Karapatan, Rural Missionaries of the Philippines, at Gabriela. Ang kasong perjury ay pumapatungkol sa pagsisinungaling o pagsasabi ng hindi totoo sa isang sinumpaang salaysay.

Tinawag ng grupong Karapatan ang desisyon bilang tagumpay sa “katotohanan at hustisya laban sa kasiungalingan at kaaway ng mamamayan.” Ang kasong isinampa sa kanila ay ganting-sakalay sa paglaban ng mga demokratikong grupo sa panggigipit at paninindak ng NTF-Elcac at walang-tigil sa pagbabansag sa kanila na mga “komunista.”

Nagpasalamat ang 10 sa kapwa nilang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, kapamilya at kaibigan na sumuporta sa kanila.

“Patuloy kaming maghahanap ng mga paraan sa lokal at internasyunal na larangan…para papanagutin ang mga sangkot sa panggigipit na ito,” ayon sa Karapatan.

Dagdag pa ng grupo, magandang pagsalubong ito sa bagong taon ng pagtataguyod ng hustisya at pagtatanggol sa karapatang-tao. “Nananawagan kami sa publiko, internasyunal na komunidad, na makiisa sa amin sa patuloy na paglaban para sa hustisya at karapatan ng mamamayan,” pahayag nila.

AB: 10 tagapagtanggol ng karapatang-tao, ipinawalang-sala sa kasong perjury