Statement

Buwagin ang NTF-Elcac! Paalingawngawin ang nagkakaisang boses ng masang api!

Sa katatapos lamang na tri-committee hearing on cybercrime and fake news kung saan inimbitahan ang mga pro-Duterte vloggers kasunod ng muling pag-alagwa ng organisadong disimpormasyon sa social media pagkatapos arestuhin si Rodrigo Duterte, hindi dapat kalimutan na ang NTF-Elcac ang pangunahing makinarya ng disimpormasyon at red-tagging at numero unong nagpapakalat ng pekeng balita. Hindi ito dapat mailibre sa crackdown o paghihigpit upang tuluyang masawata ang organisadong kampanya ng disimpormasyon at pekeng balita. Gamit ang pera ng taumbayan, ang NTF-Elcac ang kinasangkapan ng tiranong pinuno na si Rodrigo Duterte upang maghasik at ipalaganap ang kultura ng karahasan at impunidad, labis na pagkapoot sa kababaihan (misogyny), red-tagging, at pagmanipula sa opinyong publiko upang takasan ang kanyang mga krimen sa bayan.

Nagpopostura ngayon ang rehimeng US-Marcos Jr na kontra-disimpormasyon ngunit patuloy namang nakikinabang sa pamamayagpag ng NTF-Elcac kung saan ngayong 2025 ay may pondo itong ₱1.95 bilyon samantalang may ₱7.8 bilyon na nakalaan sa Barangay Development Program (BDP) o pork barrel ng mga heneral at upisyal militar. Tulad ng mga Duterte, malaki ang naging papel ng sistematikong disimpormasyon at fake news upang muling makapanumbalik ang mga Marcos sa kapangyarihan. Mula sa pagbaluktot sa kasaysayan ng bansa sa ilalim ng malagim at madugong diktadura ni Marcos Sr hanggang sa mga manipuladong resulta ng sarbey sa ilalim ng kanyang ilehitimong panunungkulan. Bago pa man ang eleksyon 2022, unti-unti nang pinunas ng Marcos ang bahid ng dugo sa kanilang pamilya mula nang bumalik sila sa Pilipinas taong 1991 at humawak ng mga posisyon sa gobyerno. Kung may pinagkakaisahan man ang dating “UniTeam”, iyon ay ang pagiging kapwa magnanakaw, kontra-mamamayan, pasista at tagapamandila ng disimpormasyon at fake news.

Bagamat matagal nang inilinaw ng Supreme Court ang dulot na panganib sa buhay, kalayaan at seguridad sa mga biktima ng red-tagging, malaya at malawakan pa rin itong ginagagawa ng NTF-Elcac katuwang ang iba pang mga ahensya sa basbas ng “whole-of-nation approach.” Sa rehiyon ng Cagayan Valley sa pamamagitan ng RTF-Elcac katuwang ang AFP-PNP-NICA, walang-awat ang panggigipit at panunupil sa mga indibidwal at organisasyong nagsusulong ng mga demokratikong kahilingan ng mamamayan. Patuloy ang mga pekeng pagpapasuko sa mga lider-magsasaka at aktibista, at paninira sa kanila sa social media at sa mga pampublikong espasyo sa pamamagitan ng mga tarpaulin at polyeto. Hindi mabilang ang mga pekeng engkwentro sa pagitan ng AFP at Bagong Hukbong Bayan (BHB)-CV na sinusundan ng pambobomba mula sa himpapawid upang maghasik ng teror sa mamamayan. Sa mga baryong nakapailalim sa RCSP at focused military operation (FMO) ng 5th Infantry Division, militar ang nagkokontrol sa daloy ng balita, at naratibo ng mga berdugo ang namamayagpag.

Aktibong kasangkapan din ng disimpormasyon at red-tagging sa rehiyon ang grupong Sambayanan-CV, CAPD (Cagayan Alliance for Peace and Development), KAPPIA (Kindling Action Peace Process and Inclusive Activities) Incorporated at Jesus Miracle Crusade. Sa tabing ng mga counter-organizing sa mga komunidad at information drive sa mga hayskul at SUCs sa ilalim ng Socal Awareness and Knowledge Management (SAKM) Council ng RTF-Elcac, obligado and mga kabataang-estudyante na dumalo upang diumano’y “makaiwas sa pilit na pagpasok ng maka-kaliwang grupo sa mga unibersidad upang makapagrekrut sa pamamagitan ng mga legal fronts.” Hindi lamang ito simpleng red-tagging at disimpormasyon bagkus ay sistematikong brainwashing upang pigilan ang mga kabataan at magsasaka na mag-aral ng kasaysayan at lipunan, at lumahok sa mga organisasyong naggigiit ng mga batayang karapatan. Ipinapanakot ang pangil ng anti-terror law upang mapayuko sa takot ang mga magsasaka at kabataan.

Napakaiprokito at hungkag ang sinasabing walang kinikilingan sa eleksyon ang militar at pulis gayong sila mismo ang nagpapalaganap ng red-tagging laban sa mga progresibong kandidato at partylist. Mula nang mabuo ang NTF-Elcac, kinasangkapan na ito hindi lamang laban sa mga pambansang kandidato kundi maging sa mga progresibong kandidato ng Sangguniang Kabataan (SK) at barangay council. Nauna nang naglabas ng resolution ang Comelec na nagbabawal sa red-tagging ngayong eleksyon subalit malawakan pa rin itong nangyayari sa rehiyon.

Sa buong mundo, ang imperyalismong US ang pangunahing nagpapalaganap ng disimpormasyon at fake news. Imbing layunin nitong mapanatili ang mga interes sa ekonomiya, maging ang hegemonya sa buong mundo na unti-unting humuhulagpos sa kamay nito. Naikakalat nito ang disimpormasyon dahil sa pandaigdigan impluwensya, kapangyarihang pampulitika, kontrol sa ekonomya at kultura sa pamamagitan ng pag-aari at kontrol sa malalaking daluyan ng balita at social media platforms, patakarang panlabas at pagwawasiwas ng lakas-militar. Sinusuportahan ng disimpormasyon nito ang paghahari ng mga tutang tagasunod sa iba’t ibang bansa tulad ni Marcos sa Pilipinas.

Dapat magkaisa at buklurin ng mga mamamayan ng Cagayan Valley at pinakamalapad na pwersa na makakaisa sa paglaban at pagsawata sa disimpormasyon at fake news, pangunahin sa pamamagitan ng malakas na panawagang buwagin ang NTF-Elcac at ibasura ang EO 70 na salalayan ng pagkakabuo ng task force. Ilantad ang Marcos-Duterte na parehong nakikinabang sa disimpormasyon at direktang sangkot sa paglalako ng mga pekeng balita. Dapat puspusang ikasa ang organisado at malawakang propaganda-edukasyon at maksimisahin lahat ng porma ng paglaban upang maiangat ang kritikal na kaalaman ng masa. Kapag mapanuri ang mamamayan, mas may kakayahan silang kilatisin ang tunay sa hindi, ang progresibo at rebolusyonaryo sa reaksyunaryo, at ang mapagpalaya sa mapang-api. Takot ang mga tirano at diktador sa mamamayang naarmasan ng siyentipikong kaalaman at may malalim na pag-unawa sa pag-iral ng lipunan.

Sa pagsalungat sa disimpormasyon ng imperyalistang US at tuta nitong lokal na rehimen, mahalaga na ipalaganap ang media literacy, iangat ang kritikal na pag-iisip at paunlarin ang responsableng pagbabahaginan ng impormasyon (information sharing) kapwa sa loob at labas ng bansa.

Walang kapagurang ipalaganap sa lahat ng mga sektor ang pangunahing kursong masa at iba pang mga aralin sa ilalim ng Pambansa Demokratikong Paaralan (Padepa), Ang Bayan at iba pang publikasyon at sulatin lalo na yaong mga akda ni Tagapangulong Jose Maria Sison. Sa panahong namamayagpag ang pagbaluktot sa kasaysayan, lalong higit na kinakailangan na ipalaganap at ilapit sa masa ang linyang pambansa-demokratiko at Marxista-Leninistang teorya at paraan ng pag-iisip.

Sa kadulu-duluhan, tanging sa pagsusulong at pananagumpay lamang ng matagalang digma, sa pagpapabagsak sa tatlong ugat ng kahirapan—imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo—at paghahawan ng landas para sa sosyalistang hinaharap magkakaroon ng kaganapan ang isang lipunang tunay na may hustisya, kalayaan, demokrasya, at ganap na lalaya at mananaig ang katotohanan—katotohanang nakabatay sa aktwal na danas ng masang anakpawis at hindi sa manipulasyon ng imperyalista, malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa.

Buwagin ang NTF-Elcac! Paalingawngawin ang nagkakaisang boses ng masang api!