Muling pagpaloob sa International Criminal Court, panawagan ng mga progresibong grupo sa gubyerno ng Pilipinas
Nagmartsa patungo sa Mendiola, Manila ang iba’t ibang progresibong grupo kaninang umaga, Marso 17, upang ipanawagan ang pagbalik ng gubyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Hinamon ng mga grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang administrasyong Marcos na “kaagad simulan ang proseso ng muling pagsali sa ICC” para labanan ang kultura ng impunity at kawalang hustisya sa bansa.
Ang Pilipinas ay pormal na kumalas sa ICC noong Marso 17, 2019, isang taon matapos magpadala ng upisyal na sulat ang administrasyon ni Rodrigo Duterte sa United Nations noong Marso 17, 2018. Ipinahayag dito ang pag-atras ng gubyerno ng Pilipinas sa tratadong Rome Statute. Idinahilan ni Duterte ang banta ng “dayuhang panghihimasok sa sistema ng hustisya sa Pilipinas” para isalba ang sarili sa kasong isinampa sa kanya dito.
Noon pa man, batid na ng Bayan na kumalas ang administrasyong Duterte “para takasan ang pananagutan sa kanyang madugong gera kontra droga at madugong gera sa mga tumututol sa kanya.”
Napapanahon na para bawiin ang maling desisyon. Sa ICC lamang magiging posible ang pagkakamit ng hustisya ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ngayong inaresto na siya at hawak na siya ng korte, anito. Saklaw ng paglilitis laban kay Duterte ang mga kaso ng pagpatay mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, panahong kasapi ng ICC ang Pilipinas.
Samantala, binatikos ng Bayan ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr na mayroong gumaganang sistema ng hustisya sa bansa kung kaya hindi na kinakailangan pang bumalik ang gubyerno sa ICC. Anila, ang pahayag na ito ay salungat sa pakikipagtulungan ng kanyang gubyerno sa ICC para maaresto si Duterte at madala siya sa The Hague.
“Itinatago ba niya ang kanyang pag-aalinlangan sa posibilidad na maharap sa pananagutan sa ICC sa kanyang nagpapatuloy at malulubhang paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng kanyang termino?” pahayag ng Bayan. Nagpapatuloy sa ilalim ng rehimeng Marcos ang mga paspaslang sa gera kontra droga at kampanyang kontra-insurhensya.
Pagdidiin ng grupo, habang itinutulak ng mamamayang Pilipino ang pagkamit sa hustisya at pananagutan sa mga biktima ng terorismo ng estado, nais nilang ihatid ang isang matinding mensahe sa mga bantog na pasista at mamamatay-tao sa gubyerno. Giit nilang iharap rin ang mga ito sa pag-uusig at pagparusa sa kanilang mga krimen. “Kung hindi sa sistema ng hustisya sa Pilipinas, sa ICC,” anito.
Humarap na si Duterte sa mga husgado ng Pre-Trial Chamber 1 ng ICC noong Marso 14 para basahin sa kanyang presensya ang kasong isinampa laban sa kanya. Itinakda ng korte ang kasunod na pagdinig sa Setyembre 23, 2025 para bigyan ng panahon ang kampo ni Duterte na makapaghanda. Isasagawa sa susunod na pagdinig ang pagkumpirma sa mga reklamong isinampa laban sa kanya.