Naaksidenteng manggagawa ng Profood sa Mandaue City, hindi tinulungan ng kumpanya

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Kontrakwal siya,” pagdadahilan ng kumpanyang Profood International Corporation kung bakit hindi nito tinutulungan ang naaksidenteng manggagawa sa Mandaue Plant nito sa Barangay Maguikay, Mandaue City, Cebu. Naaksidente si Isidro Rosell, 62, noon pang Pebrero 20. Kinundena ng grupong ALSA Kontraktwal-Cebu ang kasakiman ng kumpanya at ang paglabag nito sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS).

Nahulog si Rosell sa trak na kanyang kinakargahan ng cocoshells na hinahakot mula sa pabrika. Kaagad siyang tinulungan ng mga kapwa manggagawa at dinala sa ospital para gamutin. Matapos ang CT Scan, napag-alaman na mayroon siyang blood clot sa utak.

Ayon sa ALSA Kontraktwal-Cebu, tanging ang CT Scan ang sinagot na gastos ng kumpanya. “Mula nang maaksidente hanggang sa ngayon, nahihirapan siyang magsalita, bumangon, parating tulala, at walang ganang kumain,” ayon sa grupo.

Lantarang tinanggihan ng Profood na sagutin ang gastusin ni Rosell dahil kontraktwal lamang siya sa naturang pabrika sa kabila ng 18 taon na niyang pagtatrabaho bilang kargador nito. Hindi rin siya tinulungan ng ahensya na kumontrata sa kanya sa pagawaan dahil nagtatrabaho siya sa ilalim ng sistemang “pakyaw.”

Samantala, tanging “inspeksyon” sa kumpanya ang ipinangako ng Department of Labor and Employment-7 sa mga kaanak ni Rosell na dumulog sa ahensya noong Marso 1. Umaasa ang pamilya na kagyat na tugunan ng DOLE Region 7 at kilalanin ang istatus ni Rosell bilang manggagawa sa pabrika.

Si Rosell ay nagsimulang magtrabaho sa pabrika noong Oktubre 12, 2006. Ni minsan ay hindi siya nakatanggap ng benepisyong 13th month pay, service incentive leave, SSS, PAG-IBIG, at PhilHealth, bilang kontraktwal na manggagawa dito.

Ayon sa ALSA Kontraktwal-Cebu, inutusan at tinakot pa ang mga manggagawa ng pabrika na huwag ipagkalat at manahimik sila kaugnay ng aksidente. Hindi na bago ang ganitong insidente sa kanilang pabrika dahil marami nang katulad na pangyayari sa nakaraan, ayon sa mga manggagawa.

Ang Profood International Corporatyon ay kilalang gumagawa ng mga produktong pinatuyong pagkain tulad ng dried mango, coconut, pineapple at iba pa. Pag-aari ang kumpanya ni Justin S. Uy at kasalukuyang maroong 15 pabrika sa buong bansa.

“Dapat panagutin ang Profood International Corporation sa kanilang pagpapabaya at paglabag,” ayon sa ALSA Kontraktwal-Cebu. Giit nilang kilalanin bilang regular na manggagawa si Rosell at ang kapwa pa niyang mga kontraktwal na deka-dekada nang nagtatrabaho sa pabrika. Dapat ding ipagkaloob sa kanila, ayon sa grupo, ang seguridad sa trabaho, nakabubuhay na sahod, benepisyo, ligtas at makataong lugar sa paggawa, karapatang mag-unyon at iba pa.

AB: Naaksidenteng manggagawa ng Profood sa Mandaue City, hindi tinulungan ng kumpanya