Naantalang sahod ng mga empleyadong JO/COS sa Benguet State University, inireklamo
Nagreklamo ang mga empleyado ng Benguet State University (BSU) na nakapailalim sa sistemang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) dahil sa naantala nilang sweldo nitong nagdaang mga buwan. Ayon sa mga ulat, hindi pa nila natatanggap ang sweldo para sa Pebrero habang may ilang hindi pa nakakatanggap ng para sa Enero.
Matagal na ang ganitong kairalan para sa mga JO/COS sa loob ng BSU ngunit naging mainit ang usapin kasunod ng pulong ng administrasyon sa kanila noong Marso 24. Hinimok sila ng BSU na pumirma sa isang karagdagang kasunduan sa kanilang kontrata na nagsasaad na matatanggap nila ang kumpensasyon na nakadepende kung kailan magkakaroon ng pondo ang unibersidad.
Sa kampus pa lamang ng BSU sa La Trinidad, Benguet, hindi bababa sa 600 manggagawa (334 teaching personnel at 346 non-teaching staff) ang apektado ng naaantalang pasahod. Marami sa kanila ay lima hanggang 10 taon nang nagtatrabaho sa BSU at tinanggap na lamang ang kaayusang palagiang naantala ang kanilang sahod.
Sa pagkakalantad ng kanilang kalagayan sa publiko, napilitan ang BSU na maglabas ng pahayag at paglilinaw hinggil dito. Nagdahilan ang administrasyoon ng unibersidad na sadyang kulang sa kasalukuyan ang pondo ngunit tiyak umanong babayaran nila ang mga JO/COS.
Kinilala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Cordillera ang katapangan ng mga empleyado at tauhan ng BSU na nagsalita para sa kanilang karapatan at kagalingan, at pansamantalang pagpapaatras sa pinapirmahang dagdag na probisyon sa kasunduan. “Nakikiisa kami sa mga empleyadong JO/COS sa kanilang pagsisikap na organisahin ang sarili para labanan ang hindi makatarungang mga kaayusan sa paggawa,” anang grupo.
Hinimok ng ACT-Cordillera ang BSU Faculty Club na tumindig at suportahan ang kanilang mga kapwa empleyado. “Magkasama nating wakasan ang hindi patas na pagtrato sa mga kontraktwal tungo sa pagwawakas sa kontraktwalisasyon sa BSU at sa lahat ng lugar ng paggawa,” ayon sa grupo.
Paliwanag ng grupo, malaki ang epekto ng naantalang sweldo at marami sa kanila ay natutulak nang humanap ng karagdagang trabaho bilang freelance o di kaya’y mangutang.
Dagdag ng ACT-Cordillera, naaantala na nga ang sweldo, karaniwan pang sobra-sobrang trabaho ang pinagagawa sa mga kontrakwal. Pinababalikat sa kanila ang mga trabahong labas na sa saklaw ng kanilang kontrata kabilang ang mga aktibidad na extracurricular at maging pananaliksik.
“Pinapagawa sa kanila ang mga trabahong katumbas ng mga ginagawa ng mga regular at permanenteng empleyado—“mahalaga, nagpapatuloy, at palagiang ginagawa”—ngunit, hindi sila binibigyan ng halaga,” ayon sa ACT-Cordillera.
Sa harap nito, nanawagan ang ACT-Cordillera sa administrasyon ng BSU na kaagad kumilos at tugunan ang hinaing ng mga kontrakwal. Dapat umanong gawan ng paraan ng unibersidad ang agarang pagbababayad ng sweldo ng mga JO/COS at pabilisin ang pagpuno sa 192 permanenteng pusisyon ng pagtuturo na may patas at malinaw na pamantayan.
Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Kabataan Party-list La Trinidad sa mga JO/COS ng BSU at kanilang pakikibaka para sa makatarungang sistema sa unibersidad.