Balita

NDF-Palawan, muling nagpahayag ng suporta sa laban ng mga katutubo ng Bugsuk

,

Muling nagpahayag ng suporta ang National Democratic Front (NDF)-Palawan sa pakikibaka ng mga katutubo at residente ng Sityo Mariahangin sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan. Naninindigan ang mga katutubo laban sa panggigipit ng mga pwersa ng estado at pang-aagaw ng San Miguel Corporation (SMC) sa kanilang lupang ninuno.

Noong Mayo 15, inaresto ng mga pulis ang 10 residente at katutubong Molbog sa Sityo Mariahangin kaugnay ng kasong grave coercion na isinampa ng dating direktor ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Atty. Caesar Ortega. Ang reklamo ay kaugnay sa insidente noong Hunyo 27, 2024, kung saan hinarang diumano ng mga residente ang paglapag ng kanyang mga tauhan sa pampang ng sityo. Nakapagpyansa sila noong Mayo 17.

Samantala noong alas-3 ng umaga ng Mayo 18, mahigit 40 armadong pribadong blue guards ang palihim na pumasok sa isla. Ipinakat sila ng JMV Security Services, ang parehong ahensya na nagpadala sa 80 armadong pribadong blue guards sa kanilang komunidad noong Abril 4 sa parehong oras.

Hinaras at tinakot ng mga bayarang maton ang mga residente. Nagbanta rin ang mga ito na mas maraming gwardya ang ipadadala sa lugar. Isang katutubong Molbog ang tinakot at tinutukan ng baril ng limang gwardya.

“Dapat paigtingin ng mga residente ng Mariahangin ang kanilang pakikibaka laban sa okupasyon at pangangamkam ng lupa…at mga kasapakat at tauhan nitong pribadong armadong goons at NCIP sa mga residente at katutubong Molbog at Palaw’an sa Mariahangin,” ayon kay Leona Paragua, tagapagsalita ng NDF-Palawan.

Ayon kay Ka Leona, ang ginagawa ngayon ng SMC ay isang bagong modus operandi matapos bigong makamit ni Ortega ang layuning bilhin ang lupa ng mga katutubong Molbog noong Hunyo 2024 at itaboy ang mga residente sa kanilang komunidad,” pahayag ni Ka Leona.

Aniya, higit na nalalantad at napapatunayan sa nasabing mga pangyayari ang napaka-reaksyunaryo, pasista at anti-katutubong katangian ng NCIP. “Nahuhubad ang maskara ng NCIP at lumilinaw kung sino ang tunay na pinaglilingkuran nito—sa pribadong interes ng mga naghaharing uri tulad ng panginoong maylupa-malalaking burgesya kumprador na si Ramon Ang ng SMC,” dagdag pa niya.

Kapugay-pugay umano ang magiting at di natitinag na pakikibaka at pagtatanggol ng mamamayan ng Sityo Mariahangin para sa kanilang lupa. “Dapat papanagutin ang malaking burgesya kumprador na si Ramon Ang at SMC kasama ang rehikeng Marcos bilang mangangamkam ng lupa at bilang nasa likod ng lahat ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga residente sa Bugsuk,” aniya.

Panawagan din ng NDF-Palawan sa mga katutubong mamamayan ng prubinsya na itayo ang grupong Supok bilang lihim na pambansa-demokratikong organisasyong sumusuporta sa armadong rebolusyon at bag-as ng pakikibaka ng mga katutubo sa Palawan.

Kinakamkam ng Bricktree Properties, subsidyaryong kumpanya ng SMC, ang naturang lupa para bigyang daan ang pagtatayo ng Bugsuk Island Resort, isang proyektong ekoturismo na sumasaklaw ng mahigit 5,500 ektarya.

Kinasabwat ng SMC ang lokal na mga ahensya at upisyal upang itulak ang engrandeng proyekto nito sa kapinsalaan ng mga katutubo. Tinanggal ng DAR ang 10,821 ektaryang lupain sa Barangay Bugsuk at Pandanan sa saklaw ng programa sa repormang agraryo para bigyang daan ang konstruksyon ng resort.

AB: NDF-Palawan, muling nagpahayag ng suporta sa laban ng mga katutubo ng Bugsuk