NDF-Rizal, binatikos ang Wawa-Violago Dam sa harap ng pagguho sa Antipolo City

Nakiramay ang National Democratic Front (NDF)-Rizal sa pamilya ng nasawi at mga naapektuhan ng pagguho ng lupa noong Hulyo 16 sa Antipolo City. Kasabay nito, binatikos ng rebolusyonaryong alyansa ang nagpapatuloy na mapanirang proyektong Wawa-Violago Dam sa prubinsya, na anito’y makapagpapalala pa ng katulad na mga sakuna sa naturang mga barangay ng Antipolo City.

Namatay sa insidente si Dina Saban, 41, matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan sa lugar. Natabunan ng lupa ang 14 na bahay, kabilang ang kay Saban, at naapektuhan ang 22 pamilya sa Vista Grande Subdivision, Barangay Sta. Cruz.

Sa ulat National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isang bahagi ng bundok sa naturang lugar ang bumigay sanhi ng malakas na pag-ulan. Gumuho ang malalaking tipak ng bato at lupa sa mga kabahayan bandang alas-8:00 ng gabi ng Hulyo 16.

Ayon sa NDF-Rizal, ang pagguho ng lupa ay “patunay ng lumalalang krisis sa klima bunsod ng mapangwasak na aktibidad ng mga korporasyon ng mga monopolyo kapitalistang dayuhan, malalaking burgesya-kumprador at uring panginoong maylupa.”

“Dapat na magsilbing babala ang naganap na landslide…Dapat lalong palakasin ang tinig ng mamamayan laban sa naturang proyekto,” ayon kay Armando “Ka Arms” Guerrero, tagapagsalita ng NDF sa prubinsya.

Hindi malayong mas malulubhang pinsala pa ang sasapitin hindi lang sa Barangay Santa Cruz at Antipolo City, kundi ng iba’t ibang bayan sa Rizal, oras na maitayo ang Wawa-Violago Dam. “Mas malalaking baha ang nakaamba sa panahon ng tuloy-tuloy na bagyo,” aniya.

Ang Wawa Bulk Water Supply Project o Wawa-Violago dam ay proyekto ng Wawa JVCo, sosyohan ng malaking burgesyang komprador at kroning si Enrique Razon Jr. at Oscar Violago ng San Lorenzo Ruiz Builders and Developers. Pinopondohan ito ng pautang mula sa China sa kundisyong mga kumpanyang Chinese ang makikinabang sa proyekto. Isa rito ang PowerChina na nakakontrata para sa disenyo, pagsuplay ng materyal at konstruksyon ng dam.

Noong Hunyo 2022, pinasinayaan ni Razon ang Tayabasan Weir (mababang dam na may taas na 25 metro) na Phase I ng proyekto. Iniraratsada ngayon ang konstruksyon ng mas malaki at mas mapaminsalang Upper Wawa dam na sumasaklaw sa lupang ninuno ng mga Dumagat/Remontado. Walang patid na 24 oras na binubuldoser ang mga sakahan sa paligid ng proyekto. Tuluy-tuloy din ang pasabog sa kabundukan.

Muling nanawagan ang NDF-Rizal sa mga mamamayan ng Rizal na manindigan laban sa naturang mapanirang proyekto. “Sa sama-samang paglaban, maipagtatanggol at mapangangalagaan ang buhay at kalikasan,” giit ni Guerrero.

AB: NDF-Rizal, binatikos ang Wawa-Violago Dam sa harap ng pagguho sa Antipolo City