Network ng mga kabataang nagtutulak ng impeachment ni Sara Duterte, pormal na inilunsad
Nagtipun-tipon ang mga lider-kabataan na kabilang sa 74 indibidwal na nagsampa ng ikalawang reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte ngayong araw, Enero 23, sa University of the Philippines (UP) Diliman para pormal na ilunsad ang Leaders and Advocates of the Youth for the Accountability of Sara Duterte (LAYAS Duterte) Network. Hinimok nila ang mga konseho, publikasyon at organisasyon ng mga kabataan na maging bahagi ng network.
Mayroong apat na panawagan ang network. Una dito ang paggigiit ng impeachment ni Duterte dahil sa paglustay sa pondo ng bayan, pangunahin ang confidential funds, at ang kanyang tangkang lokohin ang taumbayan sa pagprisente ng pekeng mga dokumento at hindi pagdalo sa mga pagdinig.
Pangalawa, itinutulak ng network ang mabilis na pagtugon ng Kongreso sa inihain nilang reklamong impeachment noon pang Disyembre 2024. Anila, dapat itong talakayin bago pa pumasok ang eleksyong mid-term.
Ikatlo, panawagan nilang ibasura ang confidential funds ng gubyerno. Dapat umanong imbestigahan at itigil ang paggamit ng balon ng korapsyon na confidential funds sa lahat ng mga ahensya, at sa halip ay ilaan ito sa serbisyong panlipunan.
At ikaapat, sigaw nilang papanagutin si Presidente Ferdinand Marcos Jr bilang hepe ng kurakot na gubyerno. “Dapat siyang imbestigahan at panagutin sa paggamit at pagtataguyod niya sa confidential funds, unprogrammed appropriations at iba pang pondong balon ng korapsyon,” ayon sa network.
“Dapat nagkakaisang tumindig ang mamamayang Pilipino sa ating laban para sa isang gubyernong nagtataguyod sa transparency, pananagutan at maayos na paggugubyerno. Nasa panganib ang ating kinabukasan, at ang panahon ng pagkilos ay ngayon na,” ayon sa LAYAS Duterte Network.
Dumalo si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa aktibidad ng network. Kabilang siya sa tatlong mambabatas sa ilalim ng Makabayan Bloc sa Kongreso na nag-endorso sa reklamong impeachment.
Hanggang sa kasalukuyan, nakatengga sa upisina ng pangkalahatang kalihim ng Kongreso ang tatlong reklamong impeachment na isinampa ng iba’t ibang mga grupo. Hindi pa ito ipinadadala sa upisina ni House Speaker Martin Romualdez para umusad ang proseso nito alinsunod sa konstitusyon.