Balita

Network ng mga konsyumer, naglunsad ng kalampagan para ibaba ang presyo ng mga bilihin

,

Nagsagawa ng protesta at kalampagan ang iba’t ibang mga grupong bahagi ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer Para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki Network) noong Marso 14 sa mga palengke sa Metro Manila para ipanawagan ang pagpapababa sa presyo ng pagkain, bilihin at mga yutilidad. Itinaon nila ang pagkilos isang araw bago ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatan ng mga Konsyumer.

Ayon sa Suki Network, inilunsad ng mga organisasyong kabahagi nito ang mga piket protesta sa Commonwealth Marker sa Quezon City, sa Trabajo Market at Marikina Clock Tower sa Marikina City at sa Pasig Market. Nagkaroon din umano ng hiwalay na protesta ang mga kabataang estudyante kasama ang mga manggagawa para tutulan ang pagtaas ng singil sa pasahe sa tren.

Nagtungo rin ang Suki Network sa upisina ng Department of Trade and Industry (DTI) para ihatid ang isang petisyon na nananawagan kay Ferdinand Marcos Jr at sa National Price Coordinating Council na tugunan ang kanilang panawagan. Anang network, dapat managot ang gubyerno ng Pilipinas sa sumisirit na presyo ng mga batayang pangangailangan na nagpapahirap sa masang Pilipino.

Binabalikat ngayon ng karaniwang Pilipino ang mataas na presyo ng bigas na malayo sa ipinangakong ₱20 kada kilo. Magkakasunod din ang naging pagtaas ang presyo ng LPG na ₱0.70 bawat kilo o Php7 kada tangke. Simula Abril, tataas din ang singil sa tubig ng ₱0.04 kada cubic meter ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Sa kuryente, nagtaas na ang Meralco ng ₱0.26 kada kilowatt-hour (kWh) ngayong Marso.

“Kailangan ng tunay na mga solusyon, ngunit ang administrasyong Marcos Jr ay patuloy o pinagtitibay lamang ang naunang mga patakaran ng sinundan [nitong administrasyon] na bigong pababain o kontrolin ang sumisirit na presyo,” ayon sa pahayag ng network.

Kabilang sa mga patakarang ito, ayon sa network, ang ipinatutupad na Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 at ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na sinimulan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Pinatataas rin ng mga buwis tulad ng value-added tax (VAT) at excise tax sa langis at yutilidad ang mga bayarin, dagdag nito.

Nilalaman ng petisyon na isinumite nito sa DTI ang mga mungkahing hakbang at solusyon na kanilang nakikitang epektibong makapagpapababa sa presyo ng mga bilihin. Ilan dito ang pagpapatigil sa patung-patong na mga buwis, pagkokontrol ng gubyerno sa presyo, pagbabawal sa pribatisasyon sa batayang mga serbisyo, pagwakas sa importasyon na nakatali sa mga tagibang na kasunduan, palakasin ang lokal na agrikultura at industriya, at pagpuksa sa korapsyon sa gubyerno.

“Paano pa mabubuhay ng disente ang mga Pilipino kung puro taas presyo at walang signipikanteng taas sahod. Ang mga magsasaka, lugi pa dahil sa epekto ng mga kalamidad at mataas na gastos sa pagsasaka,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan National Federation of Peasant Women at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party.

Aniya, “matagal na naming sinabi sa gobyerno ang mga dapat gawin…subalit bingi at walang pakiramdam ang gobyernong Marcos Jr.”

AB: Network ng mga konsyumer, naglunsad ng kalampagan para ibaba ang presyo ng mga bilihin