Nired-tag na mamamahayag, tinambangan sa Baguio
Tinambangan si Aldwin Quitasol, mamamahayag at tagapangulo ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC), habang pauwi sa kanyang tahanan noong Marso 1, alas-10 ng gabi.
Ayon kay Quitasol, naglalakad siya sa Quezon Hill, Baguio City nang may humintong motorsiklo at siya’y barilin ng lulan nito. Nakaligtas siya sa pamamaril.
Bago nito, ilambeses na siyang nired-tag at iniimbitahan ng mga elemento ng PNP-Baguio at Community Support Program ng AFP sa kanilang programang “Dumanon, Makitongtong” (seek and talk), na ang ultimong layunin ay kumuha ng impormasyon sa mga mamamahayag laban sa CPP-NPA. Tinatarget din nito ang kanilang hinihinalang mga “symphathizers” ng rebolusyonaryong kilusan.
Nauna na niyang iniulat na dumalo na siya sa dayalogo noong 2021 at may kautusan na rin ang Baguio regional trial court na wakasan na ang ganitong programa.
Ani Quitasol, kabilang sa inaalam sa kanya ay kung nakatatanggap sila ng mga pahayag mula sa BHB, at kung paano at saan ito dumadaan.