NMESIS at HIMARS, gagamitin sa US-Pilipinas sa Kamandag war games
Muling gagamitin at papuputukin ng mga tropa ng US at Pilipinas ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) at High Mobility Artillery Rocket System o HIMARS sa isinasagawang Kaagapay ng mga Mandirigma mula sa Dagat (Kamandag) war games. Nagsimula ito noong Mayo 26 at magtatapos sa Hunyo 6.
Ang NMESIS ay isang sistema ng misayl na anti-ship o pampasabog ng barko. Nakakarga ito sa isang unmanned ground vehicle (malaking trak) na tinatawag na ROGUE Fires Carrier at may kargang Naval Strike Missile (NSM). Dinala at ginamit ito ng US sa Pilipinas para sa Balikatan 2025-40 noong Abril.
Ang mga NSM ay mga misayl na maaaring lumipad nang hanggang 185 kilometro na may “stealth feature” para hindi ito makita sa mga radar. Ang sistemang ito ay ginagamit ng US Marine Corps para sa malayuang mga atake laban sa mga barko mula sa lupa.
Ayon sa mga ulat, ang dalawang sistema ng misayl ay nakatakdang dalhin sa mga isla ng Batanes at Babuyan para sa pagpapaputok. Ang pinakahilagang bahagi na ito ng Pilipinas ay bahagi sa tinatawag na “first island chain” ng US laban sa katunggaling imperyalistang China.
“Tiyak na patitindihin na naman ng presensya ng malalakas na misayl na ito ng US at ng Kamandag war games kasabay ng iba pang mga aktibidad militar sa Pilipinas ang tensyon ng bansa sa China,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa imporasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. Aniya, walang ibang hatid ito sa mamamayang Pilipino kundi panganib ng kapahamakan.
Liban sa mga aktibidad sa Batanes, magkakaroon ng live-fire drills sa Col. Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac, at isang maritime strike operation sa Burgos, Ilocos Norte sa ilalim ng Kamandag war games. Magkakaroon din ng mga aktibidad sa Palawan at iba pang bahagi ng Luzon at sa Tawi-tawi sa Mindanao.
Kalahok sa war games ang 2,031 sundalo ng US Marine Corp at 2,028 pwersa na mula sa Pilpinas. Mayroon ding mga tauhang militar mula sa South Korea, Japan at United Kingdom na lumalahok sa war games. Nagsisilbi namang mga “tagamasid” sa mapang-upat na war games ang mga tauhan mula sa France, Canada, Bahrain, Australia, Indonesia, Thailand at Netherlands.
“Dapat batikusin ng mamamayang Pilipino ang mapanganib na Kamandag war games dahil niyuyurakan nito ang soberanya ng Pilipinas at ipinapahamak ang mga Pilipino,” ayon pa kay Valbuena.
Kasabay ng Kamandag war games ay inilulunsad rin ngayon sa Mindanao ang Kasangga 2025-01 war games sa pagitan ng Philippine Army at Australian Defence Force (ADF) at ang Salaknib 2025 Phase 2 ng US at Pilipinas sa Northern Luzon.