Obispo sa Negros Island, nanawagan ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal
Kasunod ng pagdiriwang ng misa sa Bago City District Jail sa Negros Occidental noong Disyembre 30, nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na kaagad na palayain at bigyan ng parole ang mga bilanggong pulitikal laluna ang mga matatanda at maysakit. Aniya, magiging bahagi ang hakbang na ito ng mga pagsisikap para tugunan ang sistematikong inhustisya sa Pilipinas.
“Ikinalulungkot ko ang kalagayan ng ating mga bilanggong pulitikal na ang mga pagdinig ay paulit-ulit na ipinagpapaliban o inaantala, kung saan ang ilan ay nananatili sa kulungan nang higit sa isang taon nang walang kahit isang pagdinig,” pahayag ng obispo na tumatayo ring isa sa mga tagapangulo ng One Negros Ecumenical Council (ONEC).
Mayroong hindi bababa sa 113 bilanggong pulitikal sa isla, o 15% sa 757 kabuuang bilang sa buong bansa. Nakakulong sa mga bilangguan sa Negros Occidental ang 59 habang nasa Negros Oriental ang 54. Kalakhan sa kanila ay mga magsasaka.
“Hindi natin maaring balewalain ang kalagayan ng mga hindi makatwirang nakakulong dahil sa kanilang pagsusulong ng kagalingan ng mga magsasaka, manggagawa, at mga isinaisantabing komunidad,” ayon sa obispo. Dagdag pa niya, ang paglaban para sa mga batayang karapatan ay hindi isang krimen at sa halip na siraan sila ay dapat palakasin ng gubyerno ang mga serbisyong panlipunan at tugunan ang mga ugat ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Noong Nobyembre, isang maituturing na tagumpay sa pakikibaka ng mga bilanggong pulitikal ang pagpapawalang-sala ng korte sa Kabankalan City sa Himamaylan 7 sa dalawang kaso ng pagpatay at pitong kaso ng bigong pagpatay. Mula dito, nakalaya sina Pastor Jimie Teves, Jodito Montesino, Jaypee Romano, Jasper Aguyong, Rogen Sabanal, Eliseo Andres, at Rodrigo Medez. Ang pito ay inaresto sa Himamaylan City noong Hunyo 2019. Idinawit sila sa isang armadong engkwentro ng BHB at sundalo ng AFP sa Kabankalan City noong Mayo 2018.
Sa kabila nito, sinabi ni Bishop Alminaza na “marami pa ang kailangang gawin.” Binigyang diin niya ang pangangailangang bigyan ng parole ang mga matatanda at maysakit na bilanggong pulitikal sa makataong mga batayan. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa walong detenidong pulitikal ang namatay dahil sa katandaan at sakit habang 12 sa panahon ni Duterte. “Hindi lamang ito usapin ng hustisya, kundi ng awa,” ayon sa obispo.
Nagpahayag rin ng suporta ang obispo sa naunang panawagan ng bagong hirang na kardinal ng Pilipinas na si Cardinal Pablo Virgilio David na magpasa ang gubyerno ng isang batas na magbibigay ng makatarungang danyos o kumpensasyon sa mga bilanggong matagal na ikinulong na kalaunan ay ipinawalang sala ng korte.
Samantala, kinundena rin ng obispo ang Red-tagging na isinasagawa ng mga pwersa ng estado na karaniwang ginagamit na batayan para sampahan ng gawa-gawang mga kaso, iligal na ikulong at sa malulupit na kaso ay patayin ang mga aktibista at progresibo.