Operasyon ng bagong yunit militar ng US na maglalagi sa Pilipinas, magsisimula na sa Balikatan 2025
Ipopormalisa sa Balikatan 2025 na idadaos ngayong Abril ang isa na namang yunit militar ng US na permanenteng maglalagi sa teritoryo ng Pilipinas. Isasagawa ito nang walang pormal na tratado o pagsang-ayon ng Senado, taliwas sa nakatakda sa reaksyunaryong konstitusyon.
Tulad sa iba nitong yunit na di konstitusyunal na namamalagi sa Pilipinas, itinatago ng US ang permanenteng katangian ng presensya nito sa tabing ng pagiging “rotational” ng mga pwersa o pagsasalit-salitan ng mga tropa.
Inianunsyo noong Marso ng 3rd Marine Littoral Regiment (MLR) ng US na isasagawa ang “debut” o pagpapasinaya nito sa bagong buong Littoral Rotational Force-Luzon (LRF-Luzon) sa Balikatan 2025. Kasabay ito sa anunsyong maglalagak ang US ng NMESIS at mga unmanned surface drones para sa pagpapatrol ng US sa karagatan.
Ang mga yunit na “littoral” ng US Navy ay mga pwersang nag-ooperasyon sa bahagi ng karagatan na pinakamalapit sa baybay, o ang bahaging lubog tuwing hightide at kita tuwing low tide. Ipinagmamalaki ng MLR ang yunit bilang “produkto ng 3-taong pagsasanay sa arkipelago ng Pilipinas.”
Ang pagkakabuo ng mga MLR at mga “rotational force” nito ay alinsunod sa mga pagbabago sa Marine Force Design kung saan magtatayo ang hukbo na ito ng mga “island-hopping force” o pwersang lulukso-lukso sa iba’t ibang isla para “mang-harass” ng mga warship at iba pang “banta” sa Pacific. Isang katulad na yunit ang Marine Rotational Force-Darwin na nakabase sa Australia.
Bagamat sinasabing magiging “pwersa ng buong Luzon” ang bagong yunit, pinaniniwalaang ang magiging pokus ng LRF-Luzon ay ang Bashi Channel, isang makipot na lagusan ng tubig sa pagitan ng Lesser Orchid Island ng Taiwan at Mavulis Island, ang pinakamalayong isla ng Batanes. Ang kipot na ito ay tinatawag na “choke point” ng mga operasyong submarino ng US at krusyal sa akses ng mga war ship ng US tungong South China Sea. Dito rin nakalatag ang mahahalagang undersea cables para sa telekomunikasyon na tumatagos sa buong South Asia. Sa pagbisita ni Pete Hegseth noong katapusan ng Marso, sinabi niyang gagamitin ng mga tropang Amerikano ang isla ng Mavulis bilang “training ground” ng mga espesyal na pwersang militar ng US.
Instrumento ang LRF-Luzon sa dati nang layunin ng US na udyukin ang gera sa pagitan nito at China gamit ang sigalot nito sa karagatan sa China, at ang estratehikong lokasyon nito kaugnay sa Taiwan. Matagal nang itinuturing ng US ang Batanes bilang “susing tereyn” sa gerang nais nitong pasiklabin laban sa China. Sa nakarang mga taon, idinaos sa tahimik na mga isla nito ang malalaki, maiingay at nakaliligalig na mga “war exercises” kung saan dinudumog ng mga pwersa ng US at Pilipinas ang isla gamit ang malalaki at di mabilang na mga sasakyang panghimpapawid. May panibagong bwelo ang layuning udyukin ang China sa pamamagitan ng Taiwan sa tabing “deterence strategy” at ‘peace through strength” ng pangalawang panunungkulan ni Donald Trump.
Liban sa LRF-Luzon, dalawa pang yunit militar ang isinapubliko na US na may “rotational” (permanente) ring presensya sa kalupaan ng Pilipinas. Isa rito ang Task Force-Ayungin na nakabase sa Palawan at ang isa pa ay ang Operation Pacific Eagle-Philippines na itinayo ng mga Amerikano sa Mindanao sa panahon ng rehimeng Duterte.