Itinatakwil ng mamamayan ng Cagayan Valley ang Balikatan 2025
Mariing tinututulan mga mamamayan ng Cagayan Valley ang Balikatan Exercise 2025 laluna sa paglulunsad nito ng mga pagsasanay sa kalupaan, baybayin at himpapawid ng rehiyon. Matinding teror at troma na naman ang idudulot nito sa mga sibilyang komunidad na taun-taong naliligalig dahil sa mga war games na ito.
Noong Marso 24, upisyal nang binuksan ang PH-US Joint and Combined Exercises Salaknib and Balikatan 2025 (SABAK25), ang “pinakamalaking” joint military exercise ng US at Pilipinas. Asahang mas mapanghamon at mas mapanganib ito kumpara sa mga nakaraang joint exercise na ayon sa US, kakatangian ng “full scale battle test” at lalahukan ng 16,000 tropa mula sa US, Japan, Australia at Pilipinas.
Tatagal ng 19-araw ang unang yugto ng war fighting exercises na lalahukan ng 3,000 sundalo ng Philippine Army at 2,000 tropa ng US Army Pacific (USARPAC) mula Marso 24-Abril 11. Ilulunsad ang ikalawang yugto sa mga areas of responsibility ng 5th Infantry Division (na kinabibilangan ng Cagayan Valley) at 7th Infantry Division na magtatagal ng dalawang buwan mula Mayo 19-Hulyo 20.
Una nang nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Aparri sa mga residente nito sa ilulunsad na live fire exercises ng fire at armor assets ng US at 5th ID sa darating na Hunyo 2025. Matinding dagok na naman ito sa kabuhayan ng mga mangingisda na pagbabawalang pumalaot katulad ng mga mamamalakaya ng Ilocos na malaki ang pagkalugi dahil sa itinakdang “no sail zone” bunsod ng live firing sa karagatan. Gayundin ang mga mangingisda ng Aplaya sa Dingalan, Aurora na halos isang buwang mahihinto ang kabuhayaan upang bigyang daan mga barkong pandigma ng US Navy na nagsimula nang dumaong noong isang linggo.
Maliban sa kabuhayan, pinakamalaking banta ito sa kaligtasan ng mga mamamayan. Inuudyukan ng US ang China at sinasamantala ang tensyon sa West Philippine Sea upang bigyang-matwid ang panunulsol nito ng gera. Sa pagpapakitang gilas pa lamang ng lakas militar ng US sa Pilipinas ay naghahatid na ng kilabot at sikolohikal na problema sa mamamayan ng Cagayan Valley laluna na at malapit ito sa Taiwan na inuudyukan din ng US na humiwalay sa China.
Kinokondena rin ng mga mamamayan ng Cagayan Valley ang pahayag ni Colonel Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP na “mas marami [typhon missile sa bansa], mas masaya.” Kasunod ito ng balitang magpapadala ang US Indo-Pacific Command ng dagdag na battery para sa Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile. Nitong Enero lamang, nagdulot ng matinding pangamba ang usap-usapang nasa Batanes o Lallo, Cagayan ang typhon missile system bagamat hindi kinumpirma o itinanggi ng AFP ang eksaktong presensya nito sa rehiyon.
Taliwas sa laging ipinapangalandakan ng AFP na para sa teritoryal na depensa ang mga kagamitang pandigma na ito, malinaw na pangunahing target pa rin nito ang rebolusyonaryong kilusan. Maaalala na ang bumagsak na FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong unang linggo ng Marso na naghahasik ng terorismo mula sa himpapawid ay siya ring mga fighter jet na naghuhulog ng bomba mula sa ere sa mga kabundukan ng Cagayan. Nalantad din ang panghihimasok ng militar ng US sa mga operasyong kombat at paniktik ng AFP sa tabing ng “war on terror” nang bumagsak ang US spy plane habang naglulunsad ng “secret mission.”
Ang Balikatan at iba pang katulad na mga ehersisyong militar at ang dumadalas na presensya militar ng US sa mga soberanong kalupaan, karagatan at himpapawid ng Pilipinas ay tulak ng mga tagibang na kasunduan sa pagitan ng US-PH kabilang ang Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Agreement, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement. Ang “balot-sa-bakal” (iron-clad) na alyansa sa pagitan ng US-PH ay walang ibang kahulugan kundi ang mas papatinding kontrol ng US sa Pilipinas na sumasahol sa paghihimod-pwet ng rehimeng US-Marcos Jr sa imperyalismong US.
Dapat na ubos-kayang ilantad at labanan ng mga mamamayan ng Cagayan Valley ang Balikatan na nagsasapanganib sa kanilang buhay, kabuhayan at kaligtasan. Buklurin ang pinakamalapad na alyansa ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan, taong-simbahan, abogado, tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao, at iba pang civil society organizations na tutol sa imperyalistang gera, panghihimasok, at paglapastangan soberanya. Salubungin ng protesta ang nakatakdang pagbisita ni US Dept. of Defense Sec. Pete Hegseth sa Marso 28 na simbolo ng mahigpit na pagkakatali sa kontrol ng militar ng US sa Pilipinas. Dapat paghalawan ng aral ang ginawang pag-abandona ng US sa Ukraine kung saan matapos maglunsad ng proxy war at mamatayan ng daan-libong sundalo at sibilyan ay iniwan na lang sa ere.
Mamamayan ng Cagayan Valley, magkaisa! Tutulan ang Balikatan exercise! Ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas!