Organisador ng manggagawa, nilikida ng mga pulis sa Rizal

,

Nilikida ng mga pulis ang organisador ng mga manggagwa na si Jude Thaddeus Fernandez sa kanyang tinutuluyang bahay sa Binangonan, Rizal noong Setyembre 29, bandang alas-4 ng hapon. Ayon sa mga ulat, nireyd ng mga tauhan ng mga pulis na kabilang sa CIDG ang tinutuluyan niyang bahay kung saan siya binaril. Matapos nito ay pinalabas ng mga pulis na “nanlaban” siya habang hinahainan ng mandamyento de aresto.

Si Fernandez ay beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kilusang masa.

Si Fernandez ay abala sa pag-oorganisa sa mga manggagawa upang mapalahok sila sa kampanyang dagdag-sahod kasabay ng iba pang mga karapatang manggagawa. Nagsimula siyang kumilos sa kilusang manggagawa noon pang panahon ng Batas Militar ni Marcos Sr.

Kinundena ng KMU ang panibagong kasong ito ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa hanay ng mga manggagawa’t unyonista. Sa tala ng grupo, si Fernandez ang ika-72 biktima ng pagpaslang na may kaugnayan sa kilusang paggawa mula 2016, at ang ika-apat matapos ang pagbisita noong Enero ng ILO High Level Tripartite Mission.

Anang grupo, ang pagpatay kay Fernandez ay katulad na pagpatay ng mga pwersa ng estado sa mga unyonistang sina Dandy Miguel, Manny Asuncion at sa iba pa. “Sa ilalim ng whole-of-nation approach, patuloy ang samut-saring paglabag sa karapatang pantao gaya ng sapiliting pagwala, iligal na aresto, intimidasyon at harasment,” ayon sa KMU.

Giit ng grupo, ang pag-atake sa mga unyonista at organisador sa kilusang paggawa ay katumbas ng pag-atake ng estado sa makatarungang mga kampanya para sa dagdag-sahod, regular na trabaho, kalayaan sa pag-uunyon at iba pang mga karapatan ng manggagawa.

Nakatakdang maglunsad pa ng mas malalim na imbestigasyon ang KMU sa nangyaring pagpaslang kay Fernandez sa ilulunsad nitong fact-finding mission. Nanawagan din sila sa International Labour Organization, Commission on Human Rights at iba pang kaukulang ahensya na kumilos upang mabilis na makamit ang hustisya.

Ngayong hapon, naglunsad ng protesta ang mga grupo ng kabatan sa harap ng Ateneo De Manila University Gate 2 bilang pagkundena sa pagpaslang kay Jude Fernandez. Ipinanawagan din nila ang kagyat na pagpapalaya sa tatlong tanggol-katutubo na dinukot at ngayon ay iligal na ikinulong sa kampo ng 2nd IB.

AB: Organisador ng manggagawa, nilikida ng mga pulis sa Rizal