Balita

Paaralang Jose Maria Sison, lumalarga sa pambansang kabisera

, ,

Patuloy ang pagsisikap ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa National Capital Region (NCR) para ipalaganap ang Paaralang Jose Maria Sison (JMS) at iba pang katulad na programa sa pag-aaral upang abutin ang mas maraming mamamayan. Muling inilunsad noong Oktubre ang Paaralang JMS.

Noong Nobyembre 12, naging paksa ng ikalawang serye ng pag-aaral ang Espesyal na Kurso para sa Manggagawa (ESKUM Manggagawa) na isinagawa sa Novaliches, Quezon City kung saan dumalo ang mga kabataan-estudyante at mga manggagawa. Ayon sa ulat ng Manila Today, naging katuwang ng Paaralang JMS sa paglulunsad ng pag-aaral ang Paaralang Crispin Beltran (PCB).

Napapanahong tinalakay ang kalagayan ng mga manggagawa at kanilang pakikibaka sa pag-aaral dahil sa nalalapit na paggunita sa araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio sa Nobyembre 30. Tinatawag ring Araw ng Anakpawis ang araw na iyon. Sa ulat ng Manila Today, binuksan ni Andrea Trinidad, ang prinsipal at pangunahing instruktor ng PCB, ang pag-aaral.

Kabilang sa dumalo sa pag-aaral ang mga kasapi ng University Hotel Workers Union ng University of the Philippines-Diliman. Nagbahagi ang pangulo ng unyon na si Boying Samonte ng kanilang karanasan bilang mga manggagawa at kasalukuyan nilang pakikibaka laban sa maneydsment ng hotel.

“Sa amin malala ang flexible working time at pati yung mga trabaho kasi nagiging all-rounder ka…konti ang hina-hire kahit sa peak time na maraming customer ang dumadagsa,” pahayag ni Samonte sa panayam ng Manila Today. Ipinaliwanag niya ang kawalan ng kabayaran para sa kanilang obertaym at iba pang mga karapatan.

Nakiisa sa naturang pag-aaral ang mga myembro ng Defend Jobs Philippines, Kilusang Mayo Uno, Kabataan Partylist-NCR, League of Filipino Students-NCR at Sining Bugkos.

Samantala, tinalakay ng Paaralang JMS noong Oktubre 19 ang usapin sa tunay na reporma sa lupa bilang bahagi ng paggunita sa Buwan ng mga Magsasaka. Inilunsad ito sa isang komunidad sa North Caloocan.

AB: Paaralang Jose Maria Sison, lumalarga sa pambansang kabisera