Pag-itsapwera ni Marcos Jr sa paggunita sa Pag-aalsang EDSA 1986, binatikos

, ,

Kinundena ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) at iba pang demokratikong mga organisasyon ang Proclamation No. 368 na inilabas kamakailan ni Ferdinand Marcos Jr na nagtatanggal sa anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA People Power, Pebrero 25, sa listahan ng mga holiday o pampublikong araw ng pagdiriwang sa bansa para sa 2024. Pagpapalusot ng rehimen, tumapat umano ito sa araw ng Linggo kaya wala sa listahan.

Hindi naniniwala ang CARMMA sa pagdadahilang ito ng rehimen. “Isa na naman itong pagtatangka ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr na itulak ang paglimot sa malagim at mapang-aping diktadura ng ama niyang si Ferdinand Marcos Sr, na pinatalsik ng mamamayang Pilipino noong EDSA 1 Uprising,” pagkundena ng grupo.

Giit nito, maging noon pa mang buhay ang diktador ay ganito na ang kalakaran ng pamilyang Marcos. Noo’y nagpakalat ng kasinungalingan ang pamilya para pagtakpan ang kanilang mga krimen at korapsyon sa bansa at itanghal ang kanilang “ginintuang panahon.”

Malinaw din umano na kadugtong ang proklamasyon ng padron ng pagpapabango sa pangalan ng mga Marcos sa nagdaang mga taon na bahagi ng kampanyang “rebisyon o pagbabago sa kasaysayan.” Kabilang dito ang memorandum ng Department of Education na pinamumunuan ni Sara Duterte na nagtanggal sa pangalang Marcos sa pagtalakay ng diktadura sa kurikulum sa elementarya.

Liban dito, binuhay at pilit ding pinalulunok ng pamilyang Marcos sa mamamayan ang mga programa ng dating diktador tulad ng mga Kadiwa Store, Masagana 99 at ang “rebranding” na Bagong Pilipinas mula sa “Bagong Lipunan” ng kanyang ama. Noong Setyembre 21, araw ng pagdedeklara na batas militar, walang kahihiyan ding naglunsad si Imee Marcos ng “pagbabalik-tanaw sa magagandang epekto ng batas militar,” kasama ang dating mga heneral ni Marcos Sr.

Binatikos din ng CARMMA ang pagkakaroon ng 143 na historical markers, monumento, museo, at iba pang mga istruktura na may kinalaman o pumupuri sa pamilyang Marcos. Ang pagtukoy sa mga ito ay lumabas sa bagong inilathalang pag-aaral ng University of the Philippines Third World Studies Center.

“Ang lahat ng ito ay nagsisilbing pagbaluktot ng kasaysayan at may layong isulong ang paglimot ng pandarambong sa kaban ng bayan at ng pagtortyur at pagpatay sa mga Pilipinong lumaban sa diktadura,” ayon sa grupo.

Sa kabila nito, determinado ang CARMMA, na kinabibilangan ng mga beteranong aktibistang kontra-diktadura at mga kabataan, na labanan ang pagbaluktot sa kasaysayan at pagkalimot sa madilim at madugong diktadurang Marcos. “Patuloy naming sisingilin ang pamilyang Marcos sa mga krimen nila laban sa bayan,” anito.

Ang Pebrero 25 ay idineklarang “special national holiday” simula pa noong 2000. Ang araw na ito ay karaniwang ginugunita ng mga aktibista at nagmamahal sa kalayaan bilang araw ng paglaban at pagpapatalsik sa diktadura.

AB: Pag-itsapwera ni Marcos Jr sa paggunita sa Pag-aalsang EDSA 1986, binatikos