Pagbasura sa ika-9 na kaso laban sa pamilyang Marcos, kinundena
Kinundena ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) ang pagbabasura ng Sandiganbayan sa isa na namang kaso para bawiin ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Sangkot sa naturang kaso ang kroni ng mga Marcos na si Fernando Timbol, ang “photographer” ng ina ni Ferdinand Marcos Sr na si Josefa Edralin-Marcos.
Ang naturang kaso ay pang-siyam na sa mga kasong ibinasura mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr sa Malacanang. Dagdag dito ang anim pang ibinasura ring kaso na isinampa sa mga kroni ng dating diktador.
Mahigit P200 bilyon ang halaga sangkot sa mga ibinasurang kasong ito. Tinatayang mahigit P500 bilyon ang kabuuang halaga ng nakaw na yamang kinamkam ng pamilyang Marcos nang maghari ang diktadurang Marcos noong 1972–1986.
Ayon sa grupo, “nakamumuhi”” ang padron ng pagbabasura ng naturang mga kaso sa harap ng lantarang paggamit ng pamilyang Marcos sa pampublikong pondo sa panahon ng diktadura. Napatunayan na sa maraming korte sa labas ng bansa na ang mga pondong ito ay ninakaw ng pamilya sa mamamayang Pilipino.
Nakikita ng grupo na isa sa susing layunin ni Marcos Jr nang maupo siya bilang presidente ay ang tiyakin na mahawakan nila ag kanilang dinambong na yaman, at dagdag na kumamal ng pondo ng bayan, tulad ng nakikita sa kinakaharap niya ngayong maraming kaso ng korapsyon.
Nanatiling matatag ang CARMMA sa paninindigang dapat managot ang mga Marcos, kapwa ang amang diktador at anak nito, sa mga kaso ng korapsyon, paglabag sa karapatang-tao, at pang-aapi sa mamamayang Pilipino.