Pagkamatay ng 23 Moro sa Mamamasapano, dapat ring alalahanin

Hindi lamang ang 44 na kumando ng Special Action Force (SAF) na namatay sa palpak na operasyon sa Mamasapano ang dapat alalahanin kundi pati ang 23 Moro na namatay sa noong araw na iyon. Ito ang pahayag ni Drieza Lininding ng grupong Moro Consensus Group sa kanyang post noong Enero 25. Aniya, malaki ang disgusto ng mga Moro sa hindi pantay na trato at pagtingin sa kanila ng reaksyunaryong estado.

Ang tinutukoy niyang insidente ay naganap noong Enero 25, 2015, kung saan 44 na pulis ang napatay sa Mamasapano, Maguindanao sa operasyong pagtugis at pagpaslang sa kunwa’y tagagawa ng bomba nasi Zulfiki bin Hir, alyas Marwan. Ang buong operasyong ay dinirihe ng mga tropang US, sa kaalaman ng mataas ng pamunuan ng AFP at ng noo’y presidente ng bansa na si Benigno Aquino Jr.

“Hindi Lang SAF 44 ang namatay sa Mamasapano, hindi lang ang kanilang mga pamilya ang naulila at may nabalong asawa,” pahayag ni Lininding. Sa kabila ng kanilang masakit na sinapit, tila parang walang halaga ang buhay ng 18 dating mujahideen (mandirigma) at limang sibilyang Moro at tanging ang SAF 44 lamang ang dinadamayan at sinisimpatiyahan, hinaing ni Linindeng. “Tao din naman po sila (mga Moro),” aniya.

Isa sa mga biktima ang 5-taong gulag na si Sarah Panangulon, na namatay nang paulanan ng mga tropa (ng pulis) ang kanilang bahay. Nasugatan rin ang kanyang mga magulang sa pamamaril. Isa pa si Badrudin Langalan, isang magsasaka, na lumabas lamang sa kanyang bahay para mag-charge ng kanyang selpon. Sa ibinigay na salaysay ng kanyag asawa sa taong iyun, nakasalubong ni Langalan ang mga sundalo habang nagaganap ang putukan. Natagpuan ang siyang patay na kinabukasan. Nakatali ang kanyang mga kamay at paa, tinanggal ang kanyang mga mata at tadtad ng bala ang kanyang katawan.

“Wag natin kalimutan sina Omar Dagadas, Ali Esmail, Musib Hasim at Rasul Zukarnin na walang awang pinagbabaril sa loob ng masjid ng SAF Commando survivor na si Christopher Lalang,” dagdag pa ni Linindeng. “Sila ay mahimbing na natutulog (dahil) sa akala nilang tapos na ang barilan dahil me ceasefire na nadeklara ngunit patraydor silang pinagbabaril.

Hindi mailarawan ang kanilang sinapit sa naghuhuramentadong pwersa ng estado, aniya. “(I)sa sa kanila na labas ang mata, yung iba ay gutay gutay dahil sa malapitang pamamaril.” Ang mga ito ay isinadokumento noon ng grupo ng tagapagtanggol ng karapatang-tao na Kawagib noong panahong iyon. Ayon sa ulat ng Kawagib, bago ang pangyayari, limang beses nang pabalik-balik ang mga pulis ng SAF sa lugar kaya tiyak silang kilala ng mga ito ang mga residente sa dito.

Dagdag dito, mahigit 1,500 ang noo’y napilitang magbakwit dulot sa pangyayari. Liban sa 44 na pulis, napabalita ang pagkapaslang ng isang sundalong Amerikano.

#Justice4Moro23

AB: Pagkamatay ng 23 Moro sa Mamamasapano, dapat ring alalahanin