Balita

Paglaban sa dayuhang interbensyong militar, sigaw ng bayan sa Araw ng Kagitingan

,

Nagprotesta malapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Pasay City ang mga grupong pambansa-demokratiko sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Abril 9, Araw ng Kagitingan. Anila, paalala ang araw na iyon sa paglaban ng sambayanang Pilipino sa dayuhang interbensyong militar at pagtatanggol sa tunay na kalayaan ng Pilipinas.

Kinundena ng protesta ang tumitinding mga war games at pagbabase ng tropang militar ng US sa Pilipinas at ang patuloy na panghihimasok at pakikialam nito sa bansa. Kabilang sa mga war games na ito ang Salaknib, Cope Thunder, at Marex na inilulunsad ngayong buwan ng Abril. Nakatakda namang ilunsad ang taunang Balikatan war games sa darating na mga linggo.

“Magastos ang mga ehersisyong ito, nakagagambala sa lokal na populasyon, at mapang-upat. Kasama rito ang paggamit ng mga live fire missiles na maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon,” ayon sa Bayan.

Noong nakaraang taon, inilagak ng tropa ng US ang Typhon missle system sa North Luzon bilang bahagi ng Balikatan war games 2024. Nananatili ito sa teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng ilang ulit na pagpuna ng China at Russia na bahagi ang presensya nito sa mapang-upat na mga hakbang ng US.

Ngayong taon, balak na dagdag na ipakat ng rehimeng Trump ng US sa Pilipinas ang NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System). Isa itong sistema ng misayl na anti-ship o pampasabog ng barko. Nakakarga ito sa isang unmanned ground vehicle (malaking trak) na tinatawag n ROGUE Fires Carrier at may kargang Naval Strike Missile (NSM). Ang mga NSM ay mga misayl na maaaring lumipad nang hanggang 185 kilometro na may “stealth feature” para hindi ito matukoy.

“Nakipagsabwatan si Marcos sa administrsayong Biden at ngayon kay Trump para gawin isang ekstensyon ng network militar ng US ang Pilipinas,” ayon sa Bayan.

Pagdidiin ng grupo, paalala ang Araw ng Kagitingan na dapat matuto sa kasaysayan ang mga Pilipino at ipinamalas nito na kaya nating labanan ang pakikialam ng dayuhang kapangyarihan sa Pilipinas.

Samantala, nagpahayag rin sa protesta ng pakikiisa ang mga grupo sa mamamayang Palestino at kinundena ang nagpapatuloy na henosidyong pakana ng Israel, na pangunahing sinusuportahan ng US.

AB: Paglaban sa dayuhang interbensyong militar, sigaw ng bayan sa Araw ng Kagitingan