Paglahok ng Japan Self-Defense Forces sa Balikatan war games, kinundena
Nagprotesta sa harap ng Ministry of Defense ng Japan sa Tokyo ang iba’t ibang grupo noong Abril 18 para kundenahin ang paglahok ng Japan Self-Defense Forces (SDF) sa Balikatan 2025 na isasagawa sa Pilipinas sa Abril 21 hanggang Mayo 9. Ang Balikatan war games ay taunang aktibidad militar ng Pilipinas at imperyalistang US, na ngayo’y nilalahukan na ng armadong pwersa ng iba pang mga bansa, para palakasin ang kontrol ng imperyalistang bayan sa neokolonyang estado at patindihin ang presensya nito sa rehiyong Asia-Pacific at patindihin ang pang-uupat nito sa China.
Sa pangunguna ng Asia-Wide Campaign (AWC)-Japan, Migrante Japan at Japan Campaign for Human Rights in the Philippines (JCHRP), nanawagan ang mga nagprotesta sa gubyerno at mga upisyal militar nito na umatras sa paglahok sa Balikatan. Upisyal na ipinabatid ng AWC-Japan ang kanilang panawagan sa pamamagitan ng isang liham kina Prime Minister Shigeru Ishiba at Minister of Defense Gen Nakatani.
Tinatayang 15,000 hanggang 16,000 pwersang militar mula sa Pilipinas, US, Australia at Japan ang lalahok sa Balikatan 2025. Ito ang unang pagkakataon na magiging ganap na kalahok dito ang Japan SDF.
Magpapadala ang Japan SDF ng 150 tauhan nito. Lalahok din sa war games ang Yahagi destroyer na barkong pandigma ng SDF. Nakatakdang bumisita sa Pilipinas ang punong ministro ng Japan para pangunahan ang tropang Japanese sa war games.
“Tinututulan namin ang Balikatan exercise, na nagpapatindi ng tensyong militar sa rehiyong Asia-Pacific. Kasabay nito, mahigpit naming ipinananawagan na dapat isuspinde ang paglahok ng SDF sa pagsasanay,” ayon sa AWC-Japan.
Anang grupo, bahagi ang Balikatan ng “estratehiyang Indo-Pacific” ng US na ginagamit ng US at Japan para paigtingin ang estratehiyang pagpalibot nito sa China sa tinagurian nitong “First Island Chain.”
Liban sa Balikatan, kabi-kabila na rin ang “pagtutulungan” ng Japan at Pilipinas sa larangang militar. Kabilang dito ang kamakailang pagpapadala ng coastal surveillance radar system sa Philippine Navy sa pamamagitan ng Government Security Assistance Program (OSA).
Gayundin, minamadali ng gubyerno ng Japan na ratipikahan ng gubyerno nito ang Japan-PH Reciprocal Access Agreemnt na pinirmahan noong Hulyo 8, 2024. Niratipikahan ito ng Senado ng Pilipinas noong Nobyembre 5, 2024. Binuo ang RAA para bigyang laya ang mga pwersa at buong militar ng Japan na malayang maglabas-masok saanmang bahagi ng kalupaan, kahanginan at karagatan ng Pilipinas.
Sa harap ng tumitinding militarismo ng Japan, ipinaalala ng AWC-Japan sa liham nito sa gubyerno ang naging madilim na kasaysayan ng pananakop ng Japan sa Pilipinas na naghatid ng labis na pighati sa mamamayang Pilipino. Anang grupo, hindi pa man upisyal na humingi ng tawad ang gubyerno ng Japan sa mga krimen nito sa mga Pilipino ay nagtutulak na ito ng malawakang ekspansyonismong militar sa Pilipinas.
“Ihinto ang Balikatan Exercises! Labanan ang gerang pinangungunahan ng US sa East Asia,” panawagan ng grupo.