Pagpapalawak ng coal-fired power plant ng mga Aboitiz sa Cebu, tinututulan
Mahigit 60 organisasyon mula Cebu at Negros ang nagkaisa para ilunsad ang kampanyang “Save Tañon Strait” noong Setyembre 18 na tutol sa binabalak na pagpapalawak ng coal-fired power plant na Therma Visayas Incorporated (TVI) ng pamilyang Aboitiz sa Toledo City, Cebu. Pinangunahan ang kampanya ng mga taong-simbahan tulad ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental, mga grupong makakakalikasan, kabataan at iba pa mula sa Visayas.
Tutol ang mga grupo sa TVI dahil sisirain nito ang Tañon Strait, ang pangalawang pinakamalaking marine protected area sa bansa at kinikilala bilang Important Marine Mammal Area (IMMA). Ang naturang kipot ay nasa pagitan ng prubinsya ng Cebu at isla ng Negros na may lawak na 521,018 ektarya. Mayroong naisadokumentong 14 na species ng balyena at dolphin, kabilang ang nanganganib nang Irrawaddy dolphin.
Pagdiiin ng mga grupo, paglabag ang planong ekspansyon sa moratoryum na ipinataw ng Department of Energy sa karbon noong 2020 at sa Extended National Integrated Protected Area System (ENIPAS) Act. Kinuwestyon ng mga ito ang pagpapahintulot ni Secretary Raphael Lotilla ng Department of Energy sa ekspansyon ng planta noong 2023. Mayroon nang isinampang kaso ng katiwalian at administratibo laban kay Sec. Lotilla noong Hulyo.
Ang Aboitiz Power ay kasalukuyang kumukuha ng permit sa Department of Environment and Natural Resources at National Grid Corporation of the Philippines. Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ng ikatlong planta nito sa 2025 na matatapos sa 2028.
Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, obispo ng San Carlos, labis nang nagdurusa ang daigdig dahil sa umiiral na krisis sa kapaligiran, ngunit sa halip na kumilos upang pangalagaan ang mga likas na yaman, ang mga nasa kapangyarihan pa ang nangunguna sa pagpapahintulot ng mga mapaminsalang proyekto. “Anong saysay ng deklarasyon ng isang protektadong erya kung binibigyan pa rin ng permit ang mapanirang mga proyekto?” dagdag pa ng obispo.
Nagpahayag rin ng suporta sa kampanya ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya). Sa konsultasyon nito sa mga mangingisda sa Cebu at isla ng Negros, higit 40,000 rehistradong mangingisda ang maapektuhan kung masisira ang Tañon Strait.
“Batay sa karanasan ng mga mangingisda, lubhang nakapinsala sa pangisdaan ang dinidiskargang wastewater ng coal-fired power plant na nagreresulta sa kontaminasyon ng dagat at pagkalason ng mga isda,” ayon kay Ronnel Arambulo, ikalawang pangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Pagdidiin ng Pamalakaya, malaki ang pananagutan dito ng rehimeng Marcos laluna at nangako siya na tatalikuran ang karbon para sa “malinis na enerhiya.” “Kung hindi pipigilan ng administrasyong Marcos Jr ang nagbabadyang pagpapalawak ng coal-fired power plant sa Cebu, patutunayan lamang nito ang kawalang-sinseridad na resolbahin ang krisis sa klima,” pahayag ni Arambulo.
Dagdag ng grupo, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad ng mga mangingisda sa paligid ng Tañon Strait para alamin ang kanilang kalagayan at paigtingin ang panawagan para sa proteksyon ng kanilang pangisdaan mula sa mga mapanirang proyekto at negosyo.